Batang Pier umangat sa Bolts

Nakapuslit si Stanley Pringle ng Globalport sa depensa ni Reynel Hugnatan ng Meralco.
Joey Mendoza

MANILA, Philippines – Nakabuti para sa mga Batang Pier ang hindi nila pagbabakasyon noong Disyembre 31 at Enero 1.

Nalusutan ng Globalport ang determinadong pagbangon ng Meralco sa final canto para kunin ang 97-89 panalo sa 2017 PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang panalo ang pumigil sa two-game losing skid ng Batang Pier para ilista ang 4-3 kartada kasosyo ang Phoenix Floodbusters at Blackwater, kasalukuyan pang nilalabanan ang nagdedepensang San Miguel  habang isinusulat ito, sa ikatlong posisyon.

“With this win at least we’re still a game behind the second place team,” sabi ni coach Franz Puma­ren. “It’s the crucial stage of the game, and I hope we can sustain the run.”

Kumamada si Terrence Romeo ng 12 sa kanyang 27 points sa fourth quarter bukod pa sa kanyang 5 rebounds at 5 assists para para sa Globalport.

Nagdagdag naman sina Niño Canaleta, Billy Mamaril, Mike Cortez at JR Quiñahan ng 13, tig-12 at 11 markers, ayon sa pagkakasunod.

Nalasap naman ng Bolts ang kanilang pang-limang kamalasan sa pitong laban.

 Matapos makatabla ang Bolts sa 14-14 ay kinuha ng Batang Pier ang 16-point lead, 40-24, mula sa three-point shot ni Cortez sa 7:41 minuto ng second period.

Humugot naman si roo­kie guard Jonathan Grey ng 10 points sa third period para mailapit ang Meralco sa 65-70 na sinundan ng pagkamada ni rookie Ed Daquioag para sa kanilang 71-72 agwat sa pagtiklop ng nasabing yugto.

Ang breakaway slam dunk ni 2016 PBA Rookie of the Year Chris Newsome ang nagtabla sa Bolts sa 74-74 sa 9:48 minuto ng final canto bago nagtuwang sina Romeo, Canaleta at Quiñahan para ibigay sa Batang Pier ang panalo.

Globalport 97 - Romeo 27, Canaleta 13, Mamaril 12, Cortez 12, Quinahan 11, Pringle 9, Aban 9, Mierhofer 2, Paredes 2, Banal 0, Urbiztondo 0, Pessumal 0.

Meralco 89 - Hugnatan 23, Grey 18, Newsome 16, Hodge 12, Daquioag 12, Buenafe 3, Faundo 2, Caram 2, Amer 1, Uyloan 0, Nabong 0, Ferriols 0.

Quarterscores: 26-19; 51-41; 72-71; 97-89.

 

Show comments