3 panalo ang kailangan ng Global FC

MANILA, Philippines – Masusukat ang husay ng Global FC sa international club scene sa kanilang pagsabak sa preliminary/ quali­fying stage ng 2017 Asian Football Confederation (AFC) Cham­pions League.

Sinabi ng Philippine Football Federation na ang Global FC, nagkampeon sa 2016 United Football Lea­gue (UFL), ang kakatawan para sa bansa sa  East bracket ng nasabing premier club tournament.

Para makapasok sa group stage ng Champions League ay kakailanganin ng Global FC na ipanalo ang kanilang tatlong KO matches.

Ang Singaporean club Tampines Rovers FC ang unang makakaharap ng The People’s Club sa Jan. 24, 2017.

Kung mananalo ang Global FC kontra sa Tam­pines ay susunod nilang haharapin ang Brisbane Roar FC, ang fourth-placer sa Australian League, sa second round sa Jan. 31, 2017 sa Australia.

Sakaling manaig ang People’s Club sa Roar ay didiretso sila sa play-off stage laban sa home team Shanghai Shenhua FC, ang No. 4 team sa Chinese Superleague, sa Feb. 7, 2017 kung saan na­kataya ang silya para sa group stage.

Mabigo man ang Glo­bal FC sa Champions League ay makakalahok pa rin sila sa second-tier AFC Cup tourney.

Show comments