Braves tinalo ang Junior Blazers; Lions ang top seed

Laro sa Biyernes (MOA Arena)

2pm SBC vs UPHSD

4pm AU vs MIT

MANILA, Philippines – Napanatili ng San Beda College ang bangis nito matapos kalmutin ang 80-73 panalo laban sa Arellano University upang masungkit ang top seeding sa Final Four sa NCAA Season 92 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City kahapon.

Kumalawit si Amiel Soberano ng 26 puntos mula sa impresibong 10-of-14 shooting clip kasama pa ang anim na rebounds at isang steal para bitbitin ang Red Lions sa panalo.

Malakas din ang naibigay na suporta nina Robert Bolick at Benedict Adamos na kapwa tumipa ng 14 puntos para sa Bedans.

Ito ang ika-11 sunod na season na No. 1 ang Red Lions sa pagtatapos ng eliminasyon.

“We always want to go to the playoffs with a win. But the most important game is on Friday (Final Four),” wika ni San Beda coach Jamike Jarin.

Nakakuha naman ang Chiefs ng 14 puntos mula kay Jio Jalalon, tig-11 galing kina Kent Salado at Donald Gumaru at 10 buhat kay Kraniel Villoria.

Lamang ang Chiefs sa rebounding department hatak ang 58 rebounds laban sa 47 lamang ng Lions.

Subalit nakakuha ang San Beda ng 19 puntos mula sa 18 turnovers ng Chiefs. Maganda rin ang pasahan ng Mendiola-based squad tangan ang 20 assists kumpara sa 11 ng Arellano.

Naisaayos ng San Beda ang pakikipagtipan sa fourth pick University of Perpetual Help System Dalta samantalang ang Arellano ay haharap laban sa No. 3 Mapua Institute of Technology.

Parehong armado ng twice-to-beat advantage ang Red Lions at Chiefs.

Sa juniors, pinasadsad ng Arellano ang La Salle-Greenhills, 79-76, para masungkit ang third see­ding sa Final Four.

Makakatipan ng Arellano ang second seed Mapua habang sasagupain ng La Salle-Greenhills ang No. 1 San Beda sa crossover semifnals.

Show comments