Mbala sinapawan si Sarr, Archers pinana ang ika-5 dikit na panalo

Laro ngayon (Smart Araneta Coliseum)

2pm FEU vs UP

4pm NU vs UST

MANILA, Philippines - Patuloy ang pana­na­lasa ng De La Salle University nang isama nito ang Adamson University sa kanilang mga biktima sa pamamagitan ng 91-75 panalo kahapon sa UAAP Season 79 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nanatiling walang bahid ang rekord ng Green Archers tangan ang malinis na 5-0 rekord upang mapatatag ang kapit sa solong pamumuno.

Walang makapigil sa halimaw na laro ni Ca­meroonian Ben Mbala na naghasik ng 21 puntos mula sa 9-of-11 shoo­ting clip kasama pa ang paghatak sa 16 rebounds at tatlong blocks para sa Taft-based squad.

Ngunit hindi lamang si Mbala ang naasahan sa panig ng Green Archers dahil nariyan rin si Jeron Teng na nagposte ng 15 puntos gayundin si Aljun Melecio na nagsumite ng 13 puntos, dalawang boards at isang steal.

Dalawa pang manla­laro ng Archers ang nagtala ng double digits sina--Kib Montalbo na umariba naman ng 12 puntos, pitong boards at anim na assists at Tho­mas Torres na naglista ng 11 puntos.

“It was all about the e­xe­cution of offense. We were able to execute our game plan on both ends. Mga 70 to 75 percent pa lang kami. Every game we’re still improving. As the season goes along, we’re progre­ssing. Sana sa post season mag-peak kami,” ani La Salle mentor Aldin Ayo.

Nahulog ang Adamson sa 3-2 baraha sa kabila ng 22 puntos ni Jerrick Ahamisi at 15 puntos ni Robbie Manalang.

Hindi rin napakinaba­ngan ang pinaghirapang 14 puntos, 15 boards, dalawang assists at dalawang steals ni Papi Sarr.

Nakasabay pa ang Soaring Falcons sa u­nang bahagi ng laro nang mapanatili nitong nakadikit sa pagtatapos ng unang kanto, 17-22.

Subalit unti-unti nang nag-init ang Green Archers nang sarguhin nito ang 23-7 sa sumunod na yugto upang maitarak ang 15 puntos na kalamangan, 49-34, bago pumasok sa second half.

Mula rito, hindi na binitiwan pa ng La Salle ang kanilang bentahe upang tuluyang angkinin ang panalo. 

Sa ikalawang laro, nalu­sutan ng Ateneo ang University of the East, 84-69 upang dagitin ang kanilang ikatlong panalo sa limang laro.

DLSU 91 – Mbala 21, Teng 15, Melecio 13, Montalbo 12, Torres 11, Baltazar 7, Tratter 6, Sargent 2, R. Rivero 2, Go 2, Caracut 0.

AdU 75 – Ahanmisi 22, Manalang 15, Sarr 14, Pasturan 9, Manganti 6, Tungcab 5, Espeleta 2, Mustre 1, Ochea 1, Bernardo 0.

Quarterscores: 22-17, 49-34, 66-52, 91-75

AdMU 84 – Asistio 21, Wong 17, Ikeh 11, Mi. Nieto 11, Ma. Nieto 7, Ravena 7, Verano 4, Go 3, Tolentino 3, Babilonia 0, Mendoza 0, Porter 0, White 0.

UE 69 – Pasaol 22, Batiller 11, Varilla 7, Abanto 6, Derige 6, Charcos 4, Manalang 3, Olayon 3, De Leon 2, Palma 2, Penuela 2, Larupay 1, Acuno 0, Armenion 0.

Quarterscores: 20-9, 30-32, 58-46, 84-69.

Show comments