Washington binuhay ang tsansa ng Batang Pier

Hinarangan ni Terrence Romeo ng Globalport si Jericho Cruz ng Rain or Shine.

Giniba ang Rain or Shine

MANILA, Philippines – Isang follow-up ang isinalpak ni Jay Washington sa huling 27.5 segundo para tulungan ang Batang Pier na buhayin ang kanilang pag-asa sa eight-team quarterfinals cast.

Tumapos si Washington na may 11 points, habang kumamada si scoring guard Terrence Romeo ng game-high na 33 markers para tulungan ang Globalport sa 101-99 pagtakas sa Rain or Shine sa 2016 PBA Governor’s Cup kagabi sa Ibalong Centrum for Recreation sa Legazpi City.

May magkakatulad na 3-4 baraha ngayon ang Batang Pier, Elasto Pain­ters at NLEX Road Warriors sa ilalim ng TNT Katropang Texters (6-1), Mahindra Enforcers (6-2), Ginebra Gin Kings (5-2), nagdedepensang San Miguel Beermen (5-2) at Meralco Bolts (5-3).

Ito ang ikatlong sunod na arangkada ng tropa nina coach Johnedel Cardel at consultant Franz Pumaren.

Kinontrol ng Rain or Shine ang laro hanggang sa third period kung saan nila hinawakan ang 81-76 bentahe bago naagaw ng Globalport ang unahan, 98-97, mula sa jumper ni slotman Yousef Taha sa huling 1:08 minuto ng fourth quarter.

Muling napasakamay ng Elasto Painters ang 99-98 bentahe galing kay Beau Belga sa natitirang 52.3 segundo.

Ang offensive putback ni Washington mula sa kanyang sariling mintis ang nagbigay sa Batang Pier ng 100-98 kalamangan sa huling 27.5 segundo bago selyuhan ni Taha ang kanilang panalo sa kanyang split sa 3.4 segundo.

Pinamunuan naman ni import Dior Lowhorn ang Rain or Shine sa kanyang 21 points kasunod ang 17 ni Belga, 11 ni Paul Lee at 10 ni Chris Tiu.

Samantala, pakay ng Ginebra na makuha ang ikatlong quarterfinals seat sa pagsagupa sa Star nga­yong alas-6:45 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon ay magtatagpo naman ang Alaska at Blackwater.

Globalport 101 - Romeo 33, Glover 18, Pringle 16, Washington 11, Taha 7, Yeo 6, Mamaril 3, Salvacion  3, Kramer 2, Semerad 2, Dehesa 0, Fortuna 0.

Rain or Shine 99 - Lowhorn 21, Belga 17, Lee 11, Tiu 10, Almazan 8, Chan 8, Norwood 6, Ahanmisi 5, Ponferada 5, Cruz 4, Quiñahan 4.

Quarterscores: 25-28; 48-54; 76-81; 101-99.

Show comments