Pinay spikers nakatikim na ng panalo

MANILA, Philippines - Matikas ang ginawang pagresbak ng Foton Pilipinas nang sagasaan nito ang Rangsit University, 25-23, 25-19, 25-20, upang masungkit ang kanilang unang panalo sa 2016 Thailand Women’s Volleyball Championship na ginaganap sa Wi Sommai Gymnasium sa Sisaket Province, Thailand.

Ibinuhos ng Tornadoes ang buong ngitngit nito kung saan nagpakawala ng malalakas na atake sina Lindsay Stalzer at A­riel Usher habang solidong suporta ang ibinigay nina Maika Ortiz, Aby Maraño at setter Rhea Dimaculangan.

Umangat sa 1-2 rekord ang Foton sa Pool A subalit mababa ang porsiyentong makapasok ito sa crossover semifinals dahil sa mas mataas na quotient points ng Bangkok Glass-Thailand at Sisaket-Thailand.

Naunang natalo ang Pinay spikers sa powerhouse Sisaket-Thailand sa iskor na 13-25, 10-25, 18-25 kasunod ang pagyuko sa Bangkok Glass-Thailand sa pamamagitan ng 20-25, 22-25, 25-20, 18-25 desisyon.

Nahulog ang Tornadoes sa classification round kung saan tanging ang fifth place na lamang ang pinakamataas na posible nitong makuha.

Ang torneo ay bahagi ng paghahanda ng Tornadoes sa 2016 Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Women’s Club Championship na gaganapin mula Setyembre 3 hanggang 11 sa Biñan, Laguna. (CCo)

Show comments