Cavs binugbog sa tres ang Hawks, 2-0 na

CLEVELAND--Isinalpak ni J.R. Smith ang pi­tong tres at nagposte ang Cavaliers ng NBA-record na 25 triples tungo sa 123-98 pananaig laban sa Atlanta Hawks nitong Miyerkules ng gabi sa Game 2 ng kanilang Eastern Conference second-round semifinals series.

Nagpaulan ang Cavs ng 18  3-pointers sa first half bago nagdagdag ng pito pa matapos ang halftime upang tuluyang hiyain ang Hawks, na natalo ng 10 sunod sa postseason games  sa Cleveland.

Ang kinamadang 25 3-pointers ng Cleveland ang pinakamarami sa lahat ng regular  o postseason.

Gumawa si LeBron James ng apat na triples na tumapos ng 27 puntos para sa nagdedepensang Eastern Conference champion, inilabas ang kanilang pinakamahusay na outside shooting game sa kasaysa­yan ng NBA.

Kumamada ang Cavs ng 25-of-45 sa rainbow area kung saan 10 manlalaro nito ang umiskor ng tig-isang tres o higit pa.

Ipinasok ni Smith ang kanyang anim na triples sa first half para itayo ang 38-point lead ng Cavs.

Nakatakda ang Game Three sa Biyernes sa bakuran ng Atlanta kung saan hawak ng Cleveland ang matayog na 2-0 bentahe sa serye.

Tumapos si Paul Millsap ng 16 puntos at may 14 puntos si Jeff Teague para sa Hawks.

Show comments