Beda tinapik si Jao na NCAA commissioner

MANILA, Philippines – Pormal nang itinala­ga ng San Beda College si Andy Jao bilang commissio­ner ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 92 basketball tournament na magsisimula sa Hunyo 25 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Mismong si NCAA Ma­nagement Committee chairman Jose Mari Lac­son ng season host San Beda ang nagkumpirma ng balita base na rin sa desisyon ng buong paaralan sa pangunguna ni NCAA president at San Beda rector Fr. Aloysius Maranan, OSB.

“Yes, he’s the NCAA commissioner this coming season,” wika ni Lacson.

Ito ang unang pagkakataon na tatayong commissioner si Jao sa NCAA.

Subalit malalim na ang karanasan nito sa naturang posisyon. Nagsilbi nang commissioner si Jao sa Philippine Basketball League (PBL) habang dalawang beses na itong kinuha ng UAAP bilang commissioner noong 2011 at 2014.

“We have confidence in him (Jao) and we know he’ll be fair to everyone,” dagdag ni Lacson.

Ang edisyong ito ng NCAA ay may temang “Sports Build Character: Achieving Breakthrough at NCAA Season 92.”

Matapos ang opening ceremonies, unang maghaharap ang Jose Rizal University at Mapua Institute of Technology kasunod ang inaabangang pagtutuos ng nagdedepensang Colegio de San Juan de Letran at San Beda sa tampok na laro.

Lalaruin ang basketball games tuwing Lunes (juniors games), Martes (isang juniors at dalawang seniors), Huwe­bes (isang juniors at dalawang seniors) at Biyernes (dalawang juniors at dalawang seniors).

Show comments