Gilas magsasanay sa Europe

MANILA, Philippines – Isang matinding trai­ning camp at ilang pocket tournament ang pagdaraanan ng Gilas Pilipinas bilang paghahanda sa pagsabak nito sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na idaraos sa Hulyo 5 hanggang 10 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Kabilang sa plano ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang pagsasanay sa Greece sa Europa kasabay ng pagsabak sa isang torneo sa Italy na gaganapin sa Hunyo kung saan lalahok din ang Italy, China at Canada.

Isang tune-up game rin ang inihahanda para sa Gilas Pilipinas sa Hulyo 1 laban naman sa Turkey na babanderahan ng NBA players na sina Ersan Ilyasova ng Orlando Magic, Omer Asik ng New Orleans Pelicans, Enes Kanter ng Oklahoma City Thunder at Furkan Aldemir ng Philadelphia 76ers.

Nakikipag-usap pa ang SBP sa Iran para sa isang practice game sa Hunyo 8. Ang Iran ay sasabak din sa Turin Leg ng Olympic Qualifying. 

Nakatakdang magsanay ang Gilas Pilipinas sa Mayo 18 sa ilalim ng paggabay ni national team mentor Tab Baldwin.

Sa kasalukuyan, ta­nging sina June Mar Fajar­do at Marcio Lassiter ng San Miguel Beer, Gabe Norwood, Jeff Chan at Paul Lee ng Rain Or Shine, at Calvin Abueva ng Alaska na lamang ang miyembro ng Gilas Pilipinas na nag­lalaro sa PBA Commissioner’s Cup.

Nauna nang nama­alam sa kontensiyon ang koponan ng iba pang mi­yembro na sina Jayson Castro, Ranidel de Ocampo, Matt  Ganuelas-Rosser, Ryan Reyes, Troy Rosario at Moala Tautuaa ng Talk ‘N’ Text; Greg Slaughter, LA Tenorio at Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra, Terrence Romeo ng Globalport at Marc Pingris ng Star Hotshots.

Show comments