Abueva babandera sa Manila North sa FIBA 3X3

Calvin Abueva

MANILA, Philippines – Matapos sa Changsha, China ay bibiyahe naman ang Gilas Pilipinas small forward na si Calvin Abueva patungong Abu Dhabi.

Sasabak si Abueva, kasama sina Troy Rosario, Vic Manuel at Karl Dehesa, bilang Manila North team sa FIBA 3X3 World Tour Final na magsisimula sa susunod na linggo.

Nagmula ang 6-foot-2 na si Abueva sa pagtulong sa Gilas Pilipinas sa 2015 FIBA Asia Championship sa Changsha, China.

Sa FIBA Asia event ay tumayong reserve si Rosario.

Sinabi ni Alaska coach Alex Compton na inaprubahan nila ang partisipasyon nina Abueva at Manuel sa Abu Dhabi Final na kanilang naging premyo matapos sumegunda sa nagharing Novi Sad sa Manila leg ng torneo noong Agosto.

Makakaharap ng Manila North at Novi Sad sa FIBA 3X3 World Tour Final ang mga koponan ng United States, Brazil, Lithuania, Slovenia, Poland, Qatar at United Arab Emirates.

Ang Manila North ay kasama sa grupo ng Doha, Qatar at Kranj, Slovenia sa Pool D.

 Noong 2014 ay nagkampeon ang Manila West team nina Terrence Romeo, Niño ‘KG’ Canaleta, Aldrech Ramos at Rey Guevarra sa Manila Masters.

Show comments