Mavericks sadsad sa Thunder

OKLAHOMA CITY-- Nagposte si guard Russell Westbrook ng 34 points at 10 assists para ihatid ang Oklahoma City Thunder sa 104-89 paggiba sa Dallas Mavericks.

Kumolekta si Serge Ibaka ng 21 points at career-high 22 rebounds, habang nagdagdag si  reserve guard Anthony Morrow ng 16 points para sa Thunder.

Ito ang pang-anim na panalo ng Oklahoma City sa kanilang huling pitong laro para makatabla ang Phoenix Suns sa eight place sa Western Confe­rence.

Nag-ambag naman ng 12 points si Kevin Durant.

Pinangunahan ni Dirk Nowitzki ang Mavericks sa kanyang 14 points at humakot si Tyson Chandler ng 10 points at 13 rebounds sa panig ng Mavericks.

Nagbalik sa aksyon si point guard Rajon Rondo para sa Dallas matapos magpahinga ng anim na sunod na laro dahil sa injury at tumipa ng 6 points at 6 assists.

Samantala, dinala ng Thunder si backup point guard Reggie Jackson sa Detroit at hinugot si Utah center Enes Kanter.

Sa Los Angeles, kumolekta si DeAndre Jordan ng 26 points at 18 re­bounds, habang may 26 markers din si Jamal Crawford para tulungan ang Clippers sa 119-115 panalo laban sa San Antonio Spurs.

Naglista si guard Chris Paul ng 22 points at 16 assists at inungusan ng Clippers ang Spurs, 56-46, sa shaded lane sa kabila ng hindi paglalaro ni Blake Griffin, nagpapagaling ng kanyang right elbow surgery.

Nagsalpak sina Crawford at Paul ng mga maha­lagang puntos sa huling 32 segundo para malampasan ang San Antonio.

Ang 16-footer ni Paul sa natitirang 8 segundo ang nagbigay sa Clippers ng three-point lead.

Show comments