James pinasikatan ang Kings sa pagbabalik

CLEVELAND – Naka­usap ni LeBron James ang mga Cavaliers team doctors noong Biyernes ng gabi para magdesis­yon kung maglalaro siya matapos magkaroon ng sprained right wrist.

“They said it was my call and obviously you guys know what my call is,” sabi ni James makaraang umiskor ng 19 points sa 101-90 panalo ng Cleveland laban sa Sacramento Kings.

Ito ang pang-siyam na sunod na ratsada ng Ca­va­liers.

Inamin ni James na hin­di pa 100 percent ang kanyang pulso ngunit nagsalpak siya ng limang sunod na basket sa second half.

Nagtumpok naman ng pinagsamang 44 points sina Kevin Love at Kyrie Irving para sa Cavaliers.

“It was a little sore, ob­viously, being in live action, but it was good,” ani James.

Hindi nakalaro si James laban sa Portland Trail Blazers ngunit nagbalik sa pamamagitan ng 7-for-16 fieldgoal shooting at nagtala ng 6 turnovers sa loob ng 33 minuto.

Ang kanyang limang sunod na basket, kasama rito ang 3-pointer at slam dunk mula sa behind-the-back dribble, ang naglayo sa Cleveland sa Sacramento sa kaagahan ng fourth quarter.

Isang team trainer ang naglagay ng brace sa right wrist ni James sa third period at hindi na niya ito tinanggal.

Nalasap ni James ang nasabing injury nang lumagapak sa sahig sa ka­nilang laro ng Detroit Pistons subalit nagbalik pa rin sa laro at tumapos na may 32 points.

Umiskor si Love ng 23 points, tampok ang 16 sa first quarter, habang may 21 points si Irving.

Pinamunuan naman ni DeMarcus Cousins ang Kings sa kanyang 21 points at 13 rebounds.

Sa iba pang laro, tinalo ng Philadelphia ang Minnesota, 103-94; binigo ng Atlanta ang Portland, 105-99; giniba ng Houston ang Boston, 93-87; pinayukod ng Toronto ang Brooklyn sa overtime, 127-122; dinaig ng New Orleans ang LA Clippers, 108-103; pinatumba ng Dallas ang Miami, 93-72; kinalos ng Utah ang Golden State, 110-100; at pinadapa ng Phoenix ang Chicago, 99-93.

Show comments