Lady Spikers sumosyo sa unahan

MANILA, Philippines – Sinaluhan uli ng La Salle Lady Spikers ang nagdedepensang kampeon Ateneo Lady Eagles sa unang puwesto sa 25-23, 27-25, 25-17, panalo laban sa UST Tigresses habang nakaisa rin ang Adamson Lady Falcons sa 77th UAAP women’s volleyball kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Si Ara Galang ay na­nalasa uli para ibigay sa La Salle ang kanilang ikatlong sunod na panalo at saluhan ang pahingang karibal sa tuktok ng team standings.

May 16 kills, tatlong aces at dalawang blocks tungo sa 21 puntos si Galang habang may 15 hits pa si Cydthealee Demecillo para sa nanalong koponan.

Epektibo ang paglalaro ni Demecillo sa second set nang tulungan niyang iba­ngon ang multi-titled team mula sa 12-17 iskor para hawakan ang mahalagang momentum patungo sa ikatlong set na kanila ring dinomina.

Si Ennajie Laure ay may 12 hits pero siya lamang ang naging sakit ng ulo ng La Salle dahil ang ibang beterana na sina Pam Lastimosa, Carmela Tunay, Marivic Menedes at Jessey De Leon ay hindi gumana para malasap ang 1-1 baraha ng Tigresses.

Tinapos ng Adamson ang dalawang sunod na pagkatalo gamit ang 25-8, 25-15, 25-17, straight sets panalo sa host UE Lady Warriors sa ikalawang laro.

May 13 puntos, kasama ang apat na blocks si My­lene Paat habang si Jessica Galanza ay mayroong 11 puntos upang ipatikim sa Lady Warriors ang ikalawang dikit na kamalasan.

Show comments