‘Labanan mo na ako!’ Hamon ni Pacquiao kay Mayweather

Tinanggap ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang symbolic key ng Makati City mula kay Makati Mayor Junjun Binay habang nasa larawan din si Vice President Jejomar Binay matapos ang kanyang tagumpay kay Chris Algieri nitong Linggo sa Macau. (ERNIE PEÑAREDONDO)

MANILA, Philippines - Inulit kahapon ni Manny Pacquiao ang kanyang pag­hahamon kay Floyd Mayweather, Jr. matapos ang pinakabagong tirada sa kanya ng American champion sa social media.

“And so he thinks I’m easy to be knocked out. So come on let’s fight,” sabi ni Pacquiao sa press conference sa Hotel InterContinental matapos ang victory parade na ibinigay sa kanya ng Makati City.

“If he posted that in his Instagram, he should fight me now,” dagdag pa ni Pacquiao. “Madali pala akong pa­tulugin eh, laban na siya.”

Ang kanilang labanan sa social media ay nagpatuloy nang magposte si Mayweather ng isang Instagram video kung saan bumagsak si Pacquiao kay Juan Manuel Marquez.

Kasabay ng pagpapakita sa video ay ang kanyang “Another One Bites the Dust” ng Queen.

Matapos bugbugin si Chris Algieri noong Linggo ay inulit ni Pacquiao ang kanyang popular Footlocker commercial nang tanungin ukol sa kanilang laban ni Mayweather.

“He’s going to fight me? Yes! He’s going to fight me!” sabi ni Pacquiao.

Hinihintay ng mga fight fans sa buong mundo ang naturang laban ng dalawa.

Sa kanya namang sinasabing pagtakbo sa mas ma­taas na posisyon sa pulitika sa 2016, sinabi ni Pacquiao na hindi pa niya ito iniisip.

“As of now, I’m focused as a congressman, a boxer and a family man,” wika ng Sarangani Congressman.

Ngayon ay miyembro ng UNA party, si Pacquiao ay inaasahang mapapabilang sa senatorial slate ni Vice President Jejomar Binay sa 2016 national elections.

Maski na umuulan ay pumarada pa rin si Pacquiao sa Makati hanggang sa Hotel InterContinental.

“Maraming salamat sa mainit na pagsalubong. Ang karangalan ko ay karangalan ng buong bansa,” ani Pacquiao.

 

Show comments