Algieri babagsak kay Pacquiao - Juan Ma

MANILA, Philippines - Bagamat isang 5-foot-6 boxer lamang si Manny Pacquiao ay kaya pa rin ng Filipino world eight-division champion na pabagsakin ang bagong world light welterweight titlist na si Chris Algieri.

Mismong si Juan Ma­nuel Marquez, apat na beses nakasagupa ni Pacquiao, ang tumiyak ng pagtumba ng 5’10 na si Algieri.

“I believe that Pacquiao can win by knockout,” sabi ni Marquez, nagpatulog kay Pacquiao sa sixth round sa kanilang ikaapat na paghaharap noong Disyembre ng 2012., sa panayam ng BoxingScene.com.

Matapos ang naturang pagbagsak sa 40-anyos na si Marquez ay nagtala ng dalawang sunod na panalo ang 35-anyos na si Pacquiao laban kina Brandon’ Bam Bam’ Rios noong 2013 at Timothy Bradley, Jr. sa kanilang rematch noong Abril.

Hindi rin binigyan ni Marquez ng tsansa si Algieri, inagaw ang World Boxing Organization (WBO) light welterweight title ni Ruslan Provodnikov noong Hunyo, na manalo kay Pacquiao.

“He barely has a chan­ce to win. Algieri is strong and he’s durable. He has also boxing ability, as he’s shown against Ruslan Provodnikov – but he doesn’t have the style to beat Pacquiao, who has great speed and power,” ani Marquez kay Algieri.

Idedepensa ni Pacquiao (56-5-2, 38 knockouts) ang kanyang WBO welterweight crown laban kay Algieri (20-0-0, 8 KOs) sa catch weight na 144 pounds sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.

Show comments