Coran bronze sa World Cadet taekwondo tourney

MANILA, Philippines - Nakakuha ng bronze medal ang 13-anyos mag-aaral ng University of Cebu na si Mayn Yengele Coran sa 2014 World Cadet Taek­wondo Championships sa Baku, Azerbaijan.

Sa 44-kilogram division kumampanya si Coran at nauna niyang tinalo ang isang Australian fighter, 27-3, bago isinunod ang isang taga-Cyprus, 19-1, at  Russian bet, 11-10.

Pero natapos ang kanyang kampanya nang lasapin ang 8-12 pagkatalo laban sa isang Iranian sa semifinals.

Umabot sa 63 bansa ang sumali sa kompetis­yong bukas para sa 12 hanggang 14 anyos na jins.

Ang iba pang kasapi ng koponan na sina Hewlett San Buenaventura, Godwin Jacob Calupitan, Raymundo Alombro III, Alvan Clyde Samera, Kamalayan Latupan, Harvey Vincent Santos, Cindy Arcola, Allester Fias Ilon, Ryshel Jasmin Ramirez, Beatrice Kassandra Gaerlan at Marc Genica De Laza ay nanalo sa kanilang unang laban bago namaalam.

Sina Alvin Taraya at Jeffrey Figueroa ang tumayong coach ng koponan na suportado ng Smart Communications Inc., MVP Sports Foundation, PLDT, Meralco, TV5 at Philippine Sports Commission (PSC).

Show comments