2-0 na sa Wizards tinakasan ang Bulls

Halos takpan na ni Carlos Boozer ng Chica­go ang muk­ha ni Bradley Beal ng Wa­shing­ton.

CHICAGO--Nagposte si Bradley Beal ng 26 points, habang umiskor si Nene ng anim sa kanyang 17 points sa overtime para tulungan ang Washington Wizards sa 101-99 panalo kontra sa Bulls at sikwatin ang 2-0 kalamangan sa kanilang first-round series.

Nakatakda ang Game 3 sa Biyernes sa Wa­shington.

“We’ve got to come out like we’re down 0-1 or 0-2,” sabi ni Beal, tumipa ng 11 points sa fourth quarter.

Nabigong panatilihin ng Wizards ang 17-point first-quarter lead at kaila­ngan pang bumangon mula sa 10-point deficit sa fourth period.

Naitakas ng Wizards ang kanilang panalo matapos tumalbog ang dalawang free throws ni Kirk Hinrich sa panig ng Bulls.

Pinangunahan ni D.J. Augustin ang Chicago sa kanyang 25 points bago siya patahimikin ni Trevor Ariza.

Naglista naman si Taj Gibson ng 22 points at 10 rebounds at kumolekta si Joakim Noah, ang NBA defensive Player of the Year, ng 20 points at 12 boards.

Sa Indianapolis, kumayod si Paul George ng 27 points, 10 rebounds at 6 assists at umarangkada ang Pacers sa second half patungo sa 101-85 panalo kontra sa Atlanta Hawks at itabla sa 1-1 ang kanilang serye.

Tumipa si George Hill ng 15 points sa second half at tumulong naman sa pagdepensa si George kontra kay Hawks point guard Jeff Teague na nagbida sa Game One.

Sa Toronto, tumapos si DeMar DeRozan ng 30 points, habang humakot si Jonas Valanciunas ng 15 points at 14 rebounds para igiya ang Raptors sa 100-95 pagdaig sa Brooklyn Nets at itabla sa 1-1 ang kanilang serye.

Show comments