Philippine team tinalo ng Pakistan patungo sa Finals ng Group 2 ng Davis Cup tie

MANILA, Philippines - Bumigay ang mga local netters ng bansa na sina Johnny Arcilla at Patrick John Tierro sa mga beteranong sina Aqeel Khan at Aisam Qureshi para isuko ng Pilipinas sa Pa­kistan ang panalo sa pag­tatapos kahapon ng Asia/Oceania Zone Group II Davis Cup semifinals sa PCA Indoor courts sa Paco, Manila.

Ang beteranong si Arcilla ang siyang hinugot ni non-playing team captain Roland Kraut upang ha­linhinan ang No. 1 player na si Fil-Am Ruben Gonza­les.

Maganda ang naunang ipinakita ni Arcilla na gamay ang pinaglaruang court dahil makailang-ulit na siyang naghari sa PCA Open.

Ngunit sadyang wala ang suwerte sa kanya ma­tapos dapuan ng pulikat para isuko ang 6-4, 1-6, 6-2, 3-6, 1-5 (retired) pagkatalo sa unang reversed singles.

Pinulikat siya sa puntong hawak niya ang 2-0 kalamangan at may serve sa third game ng fourth set.

Dahil may iniinda sa tiyan si Fil-Am Treat Huey, wala nang mahugot si Kraut kungdi si Tierro, ang nagbigay ng 1-0 kalama­ngan sa koponan.

Pero mas malawak ang karanasan ni Qureshi upang kunin ang 6-2, 6-2, 3-6, 6-2 pananaig para sa 3-2 panalo ng Pakistan.

“It’s about will and expe­rience,” wika ni Qureshi, ang No. 27 sa mundo sa doubles.

Ito lamang ang ikalawang panalo matapos ang pitong pagtutuos ng Pa­kistan sa Pilipinas at sila ang aabante sa Finals ng Group 2 katunggali ang mananalo sa Thailand at Kuwait.

Ang mananalo sa Set­yembre ang siyang aabante sa Group I sa 2015.

Ang Pilipinas ay mana­natili sa Group II ng Davis Cup tie.

 

Show comments