UFC fighter ‘di makapaniwala sa muscle ni Marquez

MANILA, Philippines - Maliban kay Freddie Roach, ang chief trainer ni Manny Pacquiao, may isa pang sports personality na naniniwalang gumamit si Juan Manuel Marquez ng ipinagbabawal na performance-enhancing drugs (PEDs) para mapabilis ang paglaki ng kanyang katawan.

Sa panayam sa kanya sa Jim Rome: Live ng Showtime, sinabi ni UFC light heavyweight contender Chael Sonnen na kagulat-gulat ang biglaang paglobo ng katawan ng 39-anyos na si Marquez sa loob lamang ng apat na buwan bago ang kanilang ikaapat na banggaan ng 34-anyos na si Pacquiao.

“The guy’s got a six-pack that he never had before,” ani Sonne kay Marquez. “There are two tests that you have. You’ve got the pee test, but you’ve also got the visual test.”

Ilang araw bago ang Pacquiao-Marquez IV ay sinabi ni Roach sa pana­yam ng USA Today na naniniwala siyang gumamit ng PEDs si Marquez sa likod ni strenght and conditioning coach Angel Hernandez.

Ngunit kaagad niya itong binawi at sinabing nagbibiro lamang siya.

“Did he take something? Sure, he did,” wika ni Sonnen sa Mexican fighter. “Did he take something illegal? Well, according to the (drug) test, no.”

Pinabulaanan naman nina Marquez at Hernandez ang akusasyon ni Roach.

Ayon kina Marquez at Hernandez, ang biglaang paglaki ng katawan ni Marquez ay produkto ng ma­tindi nilang pag-eensayo at pagpapakondisyon.

Isang right hand counter ang ibinigay ni Marquez na nagpatumba kay Pacquiao sa huling segundo ng sixth round sa kanilang upakan noong Disyembre 8 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

 

 

Show comments