Iisang bahay lang ang mundo
NAKAKITA ka na ba ng isang napakalaking bahay na binubuo ng maraming silid na pinaninirahan ng mga taong madalas na hindi magkaunawaan?
Dahil sa hindi pagkakaunawaang ito, ‘yung mga naninirahan sa ibang silid ay nagpasyang sunugin ang katabing kuwarto dahil sa nasusuklam sila sa naninirahan doon. Malaking kahangalan ito, hindi ba?
Kung sisilaban mo ang isang silid sa bahay na tinitirhan mo rin, ikaw rin ay pihong matutupok!
Ganyan ang nangyayari ngayon sa ating mundo. Maraming digmaan ang nangyayari tulad na lamang ng pakikipaglaban ng Israel at Palestine na kaalyado ng ibang Muslim nations gaya ng Iran.
Wala pa ring paghupa sa pananalakay ang Russia sa Ukraine na halos apat na taon nang nangyayari. Naggigirian ang U.S.A. at China sa Asia-Pacific region. Palala nang palala ang sitwasyon at maraming nangangamba na ito’y simula na ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig.
Nang magwakas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagkasundo ang mga bansa na huwag nang ulitin ito sa paglagda ng mga tratado ng pagtutulungan.
Iba na ngayon ang sitwasyon dahil sa pagkakaroon ng mga mapamuksang sandatang nukleyar na sa isang iglap ay puwedeng tapusin ang buong sangkatauhan.
Walang panalo kundi lahat ay talunan sa ganitong digmaan. Di na maaaring lumagda ng kasunduang pangkapayapaan. Huli na ang lahat. Iisang tahanan lang tayo ano man ang lahi natin. Kabaliwang sunugin ang isang silid dahil lahat ay madadamay.
- Latest