World War III nagsimula na?
ITO ang nakababahalang pahayag ni Major General Apti Alaudinov, isang mataas na opisyal sa militar ng Russia. Nagsimula na raw ang Ikatlong Digmaang Pandaigdig. Ipinapayo niya sa Russian government ang mobilisasyon ng 1-milyong bagong sundalo, kaugnay nito.
Sa panahong ito, Russia ba ang tagapagpasimuno ng digmaan? Sa anong layunin? Si Russian President Putin ba ang bagong Hitler na noon ay nagpahayag ng “Germany today, tomorrow the world.” Nagkaroon nga ng mapaminsalang giyera noon, nawasak ang mga pasilidad at ekonomiya ng mundo, milyong tao ang namatay ngunit Salamat sa Diyos, nagtapos ang digmaan at bigo si Hitler.
Hindi pinayagan ng Diyos ang pananagumpay ng isang buktot na hangarin. Naniniwala akong hindi ito papayagang mangyari ngayon ng Panginoon. Ngunit iyan ay nakasandal sa ating nagkakaisang taimtim na panalangin. Ang tanong lang, marami pa ba sa sangkatauhan ang totoong naniniwala sa Diyos.
Walang silbi ang panalanging walang lakip na pananampalataya.
Matapos ang World War II noong 1945, binuo ng komunidad ng mga bansa ang United Nations sa layuning huwag ng maulit pa ang digmaan. Maraming tratado ang napagkasunduan ng mga bansa upang isulong ang kapayapaan.
Ngunit ang mga kasunduang iyan na binuo ng tao ay tila hindi na nasusunod ngayon. Nakikita natin ito sa mga digmaang nagaganap sa iba’t ibang panig ng mundo. Tingin ko, hindi pa ito maikaklasipika bilang world war.
Subalit kung patuloy na lalayo sa Diyos, nakaambang tulad ng tabak ni Damocles ang panganib ng pinakamalaking digmaang lulusaw sa buong daigdig.
- Latest