PBBM-Duterte feud moro-moro lang
MINSAN ang diyablo ay gumagawa ng senaryo upang walang mapagpilian ang tao sa mga pulitikong dapat suportahan. Pag-aawayin kunwari ang dalawang malakas na puwersang pulitikal na magkasangga noong una.
Ito’y pananaw ko lang naman. Ang layon ng ganyang senaryo, sa hinala ko ay upang mawala ang atensiyon ng mamamayan sa lehitimong oposisyon at ang mapagpipilian lamang ay ang dalawang magkaalyado na may kuwestiyunableng layunin sa pananatili sa kapangyarihan.
Sino man ang manaig sa dalawang formidable faction na ito, wagi ang diyablo sa kanyang karumal-dumal na intensiyon. Kaya bago natin kampihan ang sino man sa kanila, magsuri tayong mabuti at huwag magpalinlang.
Hindi ako mapaniwalain sa conspiracy theory, ngunit sa naoobserbahan ko, posibleng totoo ito. Sa ngayon, sa harap ng sigalot “kuno” ng mga Marcos at Duterte, tila nalugmok sa isang madilim na sulok ang lehitimong oposisyon at tila ang sambayanan ay nahati na sa paksiyong maka-Duterte at maka-Marcos.
Ang tuluyang pagkalas ni Presidential sister Sen. Imee Marcos sa lapian ng kanyang kapatid na si President Bongbong, at lantarang pagsuporta sa mga Duterte ay indikasyon na totoong moro-moro lang ang awayang pulitikal na ito. Ngayon, napapabalita pa na sa 2028, si Imee ang tatakbong Vice President katambal ni Sara Duterte.
Anang isang pro-Duterte, hindi raw isasakripisyo ng mga Duterte ang kanilang 80-anyos na tatay na si dating Presidente Digong para sa ganitong sabwatan. Pero wait—kung maaprubahan ang temporary liberty ni Digong mula sa detention center sa The Hague at mailipat sa ibang bansa, baka maging ala-Ninoy siya.
Kahit pa mapalibutan siya ng security dahil isa pa rin siyang bilanggo para siyang bayaning nasa exile. Sana naman, may kahinatnang mabuti ang impeachment trial ni Sara. Nais lamang mabatid ng taumbayan ang buong katotohanan sa intelligence fund na umano’y nilustay niya.
As of now, puro pabor sa mga Duterte ang nangyayari pero marami pang pangyayaring magaganap at lihim na mabubunyag.
- Latest