Top to bottom revamp, kailangan
‘PINAGHAHAIN ni Presidente Bongbong Marcos ang lahat ng Cabinet secretaries ng courtesy resignation. Ito ay upang i-recalibrate niya diumano ang pamahalaan at makatugon sa expectations ng taumbayan.
“Disappointed ang taumbayan sa takbo ng pamahalaan” aniya.
Napakabait at malambot ang ginawa ni Marcos Jr. kumpara sa ipinatupad na paglilinis sa pamahalaan ng kanyang ama na si Marcos Sr. nang ito’y magdeklara ng martial law noong dekada 70.
Ang matandang Marcos ay lumantad sa pambansang television at inilitanya ang pagkahaba-habang listahan ng mga tiwali sa pamahalaan.
Hindi lamang Cabinet members kundi kasama pa ang mga minor officials na sa paningin ni Marcos Sr. ay mga mandarambong sa kaban ng bayan.
Umabot nang kung ilang oras ang pagbasa lang sa mga pangalan at hindi na inalintana ang kahihiyang mararamdaman ng mga kasali sa talaan ng mga ga-graduate na “magna” nakaw.
Si Marcos Jr. ay napakalambot na bersiyon ng kanyang tatay. Sa kabila niyan, sandamakmak na tuligsa at pag-insulto ang tinatanggap niya mula sa mga taumbayan partikular ang mga sumusuporta kay dating President Duterte. Lubha nang “diniyos” ng mga ito si Duterte at nahahanda ang mga ito na ipakipagpatayan ang kanilang “poon”.
Kaya wala nang gagawin si Marcos Jr. na magiging maganda sa paningin ng kanyang mga tagatuligsa o detractors. Kahit pinipilit ni Marcos Jr. na manatiling kalmado sa harap ng matinding pressure laban sa kanya, nakikita natin ang desperasyon niya upang maisaayos ang kanyang pamumuno sa bansa.
Sa pananaw ko, tila mahihirapan siya hanggang matapos ang kanyang termino.
- Latest