Subic Bay Freeport, pasukan ng droga at smuggled goods?

Naghihimutok si Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman at Administrator Jonathan Tan dahil ang pina­mamahalaan niyang ahensiya ang “hotbed” daw ng smug­gling sa bansa. Parang hindi siya makapaniwala sa tagu­ring ito sa kanyang pinamumunuan.

Habang hindi niya matanggap at hindi mapaniwalaan na ang Subic Bay Freeport ay entry ng droga at iba pang smuggled goods, nadiskubre naman sa Mexico, Pampanga ang P3.8 bilyong shabu. Ang shabu ay nakalusot sa Subic Bay Freeport.

Ibinato ni Tan sa Bureau of Customs (BOC) ang sisi upang linisin ang kanyang ahensya. Wala diumano sa hurisdiksyon ng SBMA ang mga operasyong nagaganap sa Subic Bay Freeport. Depensa ni Tan, dapat ngang magpasalamat pa sa SBMA dahil nakipagtulungan itong malambat ang shabu mula Thailand.

Ngunit bukod sa nalambat na shabu noong Huwebes sa Subic Bay Freeport, may nauna nang nakalusot na 100 kilo na nagkakahalaga ng P650 milyon na dinala sa Tagaytay. Tiyak, nasa kalsada na ang shabu at maraming sisiraing buhay.

Ilan pang shabu ang napalusot sa Subic Bay Freeport? Ilan pang smuggled vegetables?

Kung tapat si Tan sa kanyang tungkulin bilang taga­pamahala ng SBMA, agad sanang magsagawa ng malalimang pagsisiyasat upang ugatin bakit ganoong kalayang nakapapasok ang droga, pati iba pang iligal na kargamento sa Subic Bay Freeport.

Kung ang rason naman ni Tan na BOC ang may hawak ng bola ukol sa smuggling, agad naman sana nitong ireko­menda sa Department of Finance (DOF) na gumagabay sa BOC na imbestigahan at panagutin ang mga nakikipag­sabwatan sa smugglers.

Pangalawa’y imungkahi sana ni Tan ang pagsisiyasat sa batas na gumagabay sa operasyon ng SBMA upang ugatin din kung bakit wala itong hurisdiksyon sa lahat ng operasyon sa loob ng Subic Freeport.

Walang makukuhang solusyon sa smuggling ng droga at agri products kung magtuturuan at magsisisihan.

* * *

 

Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com

Show comments