Sali na sa QC Green Awards!

SA populasyon nitong mahigit tatlong milyong residente, itinuturing ang Quezon City bilang sentro ng urbanisasyon at pag-unlad ng bansa.

Ngunit kaakibat ng pag-asensong ito ang napakalaking­ hamon. Kasama ng pagkasira ng ating likas na yaman ay ang paglala ng mga problema sa ating nagbabagong klima. Napapansin n’yo ba na kapag may bagyo o malakas ang ulan, matindi rin ang nararanasang pagbaha sa ating siyudad?

Kapag summer naman, naririyan na ang labis na tag-init na malayo sa nararanasan nating karaniwang init noon. Bukod pa riyan, hindi rin tayo ligtas sa iba pang mga natural na pa­nganib gaya ng lindol.

Kaya nang maupo ako bilang Mayor, isinama ko sa ating­ agenda ang todong pagtutok sa mga isyu ng disaster resiliency­, environment conservation at climate action. Para mas mapa­lakas ang partisipasyon ng mga barangay, organisasyon­, mga negosyo at iba’t ibang sektor gaya ng kabataan, inilunsad natin ang QC Green Awards, ang ka­una-unahang parangal sa bansa na kumikilala sa mga pag­kilos na may kinalaman sa Disaster Risk Reduction at Climate Action.

Sa paraang ito, magkakaroon ng pagtutulungan ang pamahalaang lungsod, mga komunidad at iba pang stakeholders sa pagtugon sa mga hamon ng climate crisis. Lahat ng barangay, Sangguniang Kabataan, youth-based organizations, at mga negosyo ay maaaring sumali sa QC Green Awards. Ito ay may tatlong kategorya—Green Award, Resiliency Award, and Green and Resilient Champion.

Ang Green Award ay ibibigay sa mga institusyon na may malaking nagawa para matugunan ang climate change at isulong ang iba’t ibang hakbang para labanan ito. Igagawad naman ang Resiliency Award sa mga pagkilos na nagpapa­kita ng katatagan, kahandaan at mabilis na pagtugon sa harap ng natural na kalamidad at mga sakuna na gawa ng tao.

Ang Green and Resilient Champion award ay pagkilala sa mga negosyo at barangay na nagpapatupad ng mga pagkilos na tutugon sa epekto ng climate change at mga sakuna.

Maaaring magparehistro ang mga interesadong sumali sa QC Green Awards microsite (greenawards.quezoncity.gov.ph) at isumite ang lahat ng requirements sa official e-email address nito (greenawards@quezoncity.gov.ph). Tatanggapin ang mga entry mula Hunyo 1 hanggang Hulyo 15, 2023.

Lahat ng entry ay bubusisiin ng iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan. Nasa 16 na organisasyon at institusyon ang pararangalan sa Oktubre.

Show comments