Milyones na ghost projects sa NIA!

Ang korapsiyon at kapabayaan hindi ‘yan basta umuusbong lang. Nagsisimula sa isang bagay na mali na kapag pinalampas lumalaki. Bubutas sa establisadong sistema ng isang institusyon. Nakakalusot ang mga bagay na hindi dapat makalusot dahil sa kahinaan at kapabayaan ng sis­tema at ng mga nangangasiwa sa itaas.

Tulad nang nangyari sa National Irrigation Adminis­tration (NIA) na saksakan ang korapsiyon. Gustong paim­bestigahan ngayon ni Senator ‘Tol Raffy Tulfo sa Senate Blue Ribbon Committee ang institutional corruption na taon nang namamayagpag sa ahensya. Pinauusisa ang pag­waldas daw ng NIA sa bilyones na pondo na para sa mga iri­gasyon. Umaabot sa P121 bilyong piso ang budget ng ahenya sa loob ng anim na taon.

Mantakin n’yo, sabi ni Senator ‘Tol Raffy, may apat daw na contractor na pinaboran ang pamunuan ng NIA. Kahit na paulit-ulit na hindi tinatapos ang kanilang kontrata, nakatanggap pa rin ng iba’t ibang proyekto. Ultimo blacklisted na mga kontratista tuloy pa rin daw ang pagkamal ng milyones na project. Naloko na!

Iba pa ‘yung mga ghost project na nagkakahalaga ng P890 milyon. Pinondohan ng gobyerno pero hindi nagawa. Karamihan sa Mindanao.

Sa anumang aspeto sa mga ahensiya at departamento, mapa-gobyerno man o pribado, mayroong mga itinalagang protocol o sistema. Sistemang sadya talagang ginawa para maging lehitimo, maayos at mapabilis ang proseso ng anumang programa o proyekto. Ginawa ito para hindi maging labu-labo, kontra-kontra o magdulot ng salungatan ang implementasyon sa instistusyon.

Subalit, kadalasan ang mga protokol at sistema ang pilit ding binubutas para gumawa ng mga iregularidad. Naloko na!

Magbabantay na tayo.

Sa mga malalayong probinsya, pansinin, hambalusin kung sino ang gumagawa ng mali sa inyong lugar. Ipa­dala n’yo sa amin. Ibi-build up ng BITAG. Ipalabas para ma­hiya ang makakapal ang mukha!

Show comments