‘Wait lang’ — Marcos Jr.

Nakasisindak ang pagtaas ng inflation rate sa bansa na nasa mahigit walong porsiyento na. Pero huwag daw mag-alala, ani Presidente Bongbong Marcos. Bababa na raw ang halaga ng mga bilihin lalo na ang petrolyo at mga inaangat na agricultural products.

Pero wala pa tayong napapansing pagdausdos pababa ng halaga ng mga paninda. Kailan po Mr. President? Ang sagot niya “wait lang”.

Aniya kumikilos ang gobyerno para lumaki ang supply­ ng agri products sa bansa upang  maging mura at abot-kaya ng mga mamimili. Kailangan daw maghintay porke medyo matatagalan ito.

Inamin ng Presidente na ang importasyon nang maraming agricultural products ay malaking dahilan ng inflation. Paulit-ulit ko nang natanong kung bakit kailangang umangkat ng produktong pang-agrikultura gayung agricultural country tayo?

Umaangal nga ang mga magsasaka sa pambabarat ng traders sa kanilang produkto. Ito ay habang patuloy ang pagpasok ng mga imported goods bukod pa sa mga ipinupuslit nang ilegal sa bansa.

Kung magpapatuloy ang importasyon, dollar ang ipinambabayad natin at dahil bagsak ang halaga ng ating piso, natural mahal din ang presyo ng mga produkto kapag nakarating sa pamilihan.

Sige, wait tayo. Kung lilipas ang dalawang buwan at mataas pa rin ang mga bilihin, hindi magandang sen­yales ito sa presidente. Lalabas siyang nagpipinta lang ng mala-rosas na senaryo at pinaasa lang ang mama­mayan.

Show comments