Para sa magsasaka ang tax shares sa tabako, hindi sa bulsa

Tutuldukan na ng Local Budget Memorandum No. 86 ng Department of Budget and Management (DBM) ang pandarambong sa bilyun-bilyong pondo na mula sa excise taxes ng tabako.

Inilahad ng LBM No. 86 ang wastong paggamit ng mga lokal na pamahalaan sa tax shares mula sa RA 7171 (tabakong Virginia) at RA 8240 (Burley at native) sa pama­magitan ng paglulunsad ng mga konsultasyon sa mga magsasaka upang tukuyin ang mga programa at proyektong kapakipakinabang sa lipunan.

Kung walang magawa ang National Tobacco Adminis­tration (NTA) sa paggamit ng mga LGU-beneficiaries ng RA 7171 at RA 8240 sa mga nakaraan, sa mandato ng LBM No. 86, ang NTA mismo ang mangangasiwa sa mga konsultasyon sa pagitan ng LGUs at magsasaka.

Ayon pa sa LBM No. 86, kinakailangang nakalahad sa mga inaprubahang Local Investment Programs at Annual Investment Programs (AIPs) ng mga LGUs ang mga pro­grama at proyektong isasakatupan ng LGUs gamit ang tobacco excise tax fund.

Hindi biro ang laki ng pondong napapasakamay ng mga LGUs dahil sa dugo at pawis ng mga magsasaka ng tabako—P15.01 billion excise fund mula sa Virginia tobacco noong 2020 at P4 billion mula sa Burley at native tobacco.

Tatanggap ang Ilocos Sur ng P9.28 billion, ang pinaka­malaking tipak ng tax shares sa Virginia tobacco na susundan ng Abra (P2.03 billion), Ilocos Norte (P1.88 billion); at La Union (P1.82 billion).

Ang hatian sa antas probinsya: 70 porsiyento ay pupunta sa munisipyo at 30 porsiyento naman sa provincial govern­ment.

Ang unang 10 munisipyong pinakamalalaking bahagi mula sa RA 7171 ay: Magsingal, Ilocos Sur – P764, 823,126; Candon City, Ilocos Sur – P656,446,632; Pilar, Abra – P650, 564,891; Cabugao, Ilocos Sur – P567,481,053; Balaoan, La Union – P529,265,776; Sinait, Ilocos Sur – P456,325,843; Sta. Cruz, Ilocos Sur – P414,084,062; San Juan, Ilocos Sur – P323,495,337; Pinili, Ilocos Norte – P298,838,814; at Burgos, Ilocos Sur – P298,473,560.

Tatanggap naman nang pinakamalaki ang Isabela (P1.88 billion) mula sa 18 lugar na nagtatanim ng Burley at native tobacco. Tatanggap naman ang Quirino, Isabela – P169,614,784; Roxas, Isabela – P154,022,563; Aurora, Isabela – P149,625,636; Malig, Isabela – P102,374,263; Reina Mercedes, Isabela – P72,580,611; Alcala, Pangasinan – P72,060,844; Ilagan City, Isabela – P58,365,308; Narvacan, Ilocos Sur – P48,074,000; Bauang, La Union – P44,166,807; at Laguindingan, Misamis Oriental – P40,530,529.

Napakalaking salapi.  Napakalaking responsibilidad upang tiyakin ang kapakinabangan ng mga nagbubuwis ng dugo at pawis upang mailuwal ang ganitong halaga!

***

Para sa suhestiyon:  art.dumlao@gmail.com

Show comments