PBBM, FL Liza dapat sumagot

Mabigat ang isiniwalat ng mamamahayag at dating envoy sa China na si Ramon Tulfo, panganay sa bantog na Tulfo brothers at malapit na kaibigan noong araw pa ng ngayo’y First Lady Liza Araneta Marcos.

Tinawagan daw ng pansin ni Mon si Liza upang tanu­ngin kung totoo na ang kapatid niyang si Martin Araneta ay sangkot sa smuggling ng sibuyas.

Ginawa ito ni Mon bilang pagmamalasakit kay Presidente Marcos na unang masisira ang reputasyon kung ito ay totoo at hindi masusuheto. Doon na raw naputol ang kanilang friendship at hindi na siya sinagot ng First Lady.

Dapat magpaliwanag sa taumbayan, ang presidente o ang First Lady at huwag lang magsasawalang kibo. Kung ito man ay walang katotohanan, masyado nang kumalat ang balita sa social at mainstream media. Kinaka­ilangang magsalita ang sinuman sa First Couple.

Nangungunang layunin ni Marcos, Jr. na linisin ang kani­lang narumhang pangalan at ang ganitong mga alingas­ngas ay malamang lalong makasira sa kanya at buong pamilya.

Habang sila ay tahimik at nagbibingi-ibingihan sa usapin, lalo lamang maghihinala ang tao na ito’y totoo. Nais nating suportahan ang presidente upang magta­gumpay ang magaganda niyang proyekto. Ngunit mahirap mangyari ito kung may mga maiitim na usaping bumabalot sa kanya.

Show comments