Pulis na sangkot sa Dacer-Corbito, arestado

Naaresto ng National Capital Region Police Office-Regional Special Operation Group (NCRPO-RSOG) ang dating pulis na si William Reed na sangkot sa pagdukot at pagpatay sa PR man na si Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000. Inaresto si Reed sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Rodolfo Ponferrada ng Manila Regional Court (RTC) Branch 41. Itinuring siyang “most wanted person” na may reward na P250,000.

Dalawang dekadang nagtago si Reed bago nahuli. Na-trace ang kinaroroonan ni Reed nang mag-renew ito ng driver’s license at mag-apply ng National ID. Dala na rin sa pangangailangan ng kanyang pamilya kaya nag-renew ng driver’s license upang makapamasada ng tricycle. Ang hindi niya alam, katapusan na ng kanyang pagtatago sa batas.

Si Reed ay tumakas at nagtungo sa Hong Kong  at China noong 2001 gamit ang pekeng passport subalit na-deport noong 2007. Kaya’t balik Pinas si Reed at nagtago sa Angeles City, Pampanga. Nagpalamig lamang siya sa naturang lalawigan. Lumipat siya kasama ang kanyang pamilya sa Pulilan, Bulacan at doon nga siya nahuli.

Sa pagkahuli kay Reed, mabibigyan na ng linaw ang pagkamatay nina Dacer at Corbito. Ang hindi lamang malinaw ay kung ano ang partisipasyon ni Reed sa krimen.

Maraming kilalang pulitiko ang isinangkot sa Dacer-Corbito murder case at kabilang diyan si Senador Panfilo Lacson na sa kalaunan ay napawalang sala.

Ang pagkahuli kay Reed ay malaking accomplishment kay NCRPO chief M/Gen. Jonnel Estomo. Tiyak na may naghihintay na posisyon sa PNP si Estomo dahil dito. Anong say mo DILG Sec. Benhur Abalos?

Malapit na kasi ang Pebrero at lilisanin na ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin ang Camp Crame.

Abangan!

Show comments