Malinis na ang Maynila  

NAPADPAD ako sa Binondo kamakailan nang maanyayahan sa breakfast meeting ng mga naging boss kong Chinese-Pilipino businessmen at mga retired Manila police officials na matagal kong naging kasama noon sa Western Police District (ngayon ay Manila Police District). Marami akong pagbabagong nakita sa Binondo una na ang peace and order na ikinatuwa ng mga Tsinoy na negosyante. Nawala ang mga nakahambalang sa kalye kaya maayos ang daloy ng trapiko.

Ayon kay Lt. Col. Pol Doles ng MPD-D1, 24/7 na ang pagpapatrol ng 4,400 na pulis. Ito ay bilang pagtalima sa kautusan ni Manila mayor Honey Lacuna na panatilihing malinis, maayos at ligtas ang buong lungsod. Kaya kapag may makitang sidewalk vendors ay siguradong sibak agad ang pulis at maging ang hepe ng police station. Ayon kina retired police general Paterno at Tan, bawal nang sumawsaw ang mga kapulisan sa mga illegal sidewalk vendors sa bangketa.

Dahil sa mga pagbabagong ito, nagkaroon ng kasagutan ang aking matagal nang krusada. Noon, nag-aagawan ang mga police officials ng MPD sa mga juicy police community precints sa Maynila dahil may perang parating mula sa illegal vendors. Ito ang naging dahilan kung bakit nasampahan ako ng mga libel cases sa aking pagbubulgar ng mga maano­malyang tarahan o kotongan.

Subalit ngayon, nag-iba na ang aking pananaw sa mga pulis ng MPD dahil nakikita ko na nagtatrabaho na sila. Sa ngayon, ang mga vendors na binigyan ng puwesto ay ‘yung mga may mga legal permit mula sa Manila City Hall na ­mino-monitor ni Lacuna. Kaya kapag lumampas ang kanilang puwesto sa ibinigay na sukat, gigibain at kukum­piskahin ang mga paninda. Ang puwestong ibinigay sa kanila ay pinag-aralan ni Lacuna upang hindi makasagabal sa mga motorist at mga naglalakad sa bangketa.

May oras ang mga vendors na kumita dahil pinapayagan ni Lacuna ang paglatag ng kanilang mga kalakal sa night market at bago sumikat ang araw, kailangang maalis at malinis na ang kanilang mga puwesto. Kapag hindi nilinis, kukumpiskahin ng mga pulis kasama ang mga personnel mula sa Manila City Hall-Department o Public Safety ang mga paninda. Kaya laging nasa labas ng  opisina sina Harry Lorenzo ng MPD Police Station-2 at Maj. Olgado ng MPD Traffic Bureau ay dahil personal nilang nililibot ang kanilang area of responsibility upang masigurong nagtatrabaho ang kanilang mga tauhan. Marami pa akong ikukuwento sa mga susunod na isyu.

Show comments