^

PSN Opinyon

No contact apprehension

K KA LNG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang “No Contact Apprehension Program” noong Hulyo 1, 2022. Ibig sabihin, hindi mga pulis o traffic enforcer ang huhuli sa mga motoristang lumalabag sa batas-trapiko kundi mga camera o CCTV na ilalagay sa mga lugar kung saan ma­dalas lumalabag ang mga motorista. Makikita kung saan ang mga ito sa website ng Quezon City.

Kapag nakunan ng camera ang lumalabag na moto­rista sa pamamagitan ng kanilang plaka, padadalhan ang naka-rehistrong may-ari ng sasakyan ng Notice of Violation (NOV) kung saan kailangang magbayad ng kaukulang multa, depende sa paglabag na ginawa.

Ang pakay umano ng programang ito ay para mas maging maingat ang mga motorista kung alam nilang may mga camerang maaaring mahuli ang paglalabag. Hindi pa rin mawawala ang mga pulis at traffic enforcer na mang­huhuli pa rin ng mga lumalabag.

Maganda naman ang pakay ng programa. Sa laki ng Quezon City, dito maraming nagaganap na aksidente pati na rin ang paglabag sa batas-trapiko. Pero may mga tanong din ang tao. Paano kung hindi na sila ang may-ari ng sasakyang lumabag? Paano kung nasa tama naman sila? Paano kung emergency kaya napilitang lumabag? Paano kung ninakaw na pala ang sasakyan? Mga lehitimong tanong.

Ang sagot naman ng Quezon City ay pwedeng magsampa ng protesta sa Traffic Adjudication Board at sila ang magpapasya kung may lehitimong protesta sa NOV. Kung gaano naman katagal mailalabas ang desisyon ay wala pang may alam. Kung maraming magsasampa ng pro­testa at siguradong mangyayari iyan, baka buwan ang abutin­. Ang maganda lang ay hawak mo pa rin ang iyong lisensiya.

Pero paano mahuhuli ng mga camera ang mga motorsiklong lumalabag kung nasa likod lang ang maliit na plaka? Sa totoo lang maraming lumalabag na motorsiklo dahil sa kanilang abilidad na makasingit kung saan-saan. Kapag nakitang walang pulis, sasalubong na, papasok ng one-way o hindi susunod sa mga ilaw. May mga camera bang makukunan ang mga likod ng motorsiklo?

Kung magiging matagumpay ang programang ito ng Quezon City ay kailangan pang makita. Sinubukan na noon ang No Contact Apprehension noong panahon ni Bayani Fernando bilang chairman ng MMDA. Bumili pa nga ng napakaraming digital camera para sa mga MMDA traffic enforcers. Naging matagumpay ba?

vuukle comment

CONTACT APPREHENSION PROGRAM

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with