Unity?

LUMIKHA ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng bagong grupo na ang tanging tungkulin ay bantayan at siguraduhin ang seguridad at kaligtasan ni incoming vice president Sara Duterte-Carpio. Hawig ito sa Presidential Security Group (PSG) na nagbabantay naman sa presidente. Kaya may Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) na. Marami kaagad ang nagtaka kung bakit si Sara lamang ang binigyan ng AFP ng ganitong grupo, na hindi naman ibinigay sa mga nakaraang VP.

Agad naglabas ng pahayag si Sara. Inamin na may hiling sa paglikha ng grupong ito “in anticipation of “future elections” and the possibility of “strained relations” under that scenario between the president and vice president.” Ano itong “future elections”? Napakalayo pa ng 2028. O may ibang “future elections” na itinutukoy. Hindi pa nga parehong opisyal na umuupo sa puwesto, may iniisip nang “strained relations” sa pagitan nilang dalawa? Hindi ba sila nga ang magkatambal na tumakbo? Iyan ba ang “unity”?

Tila napakalaman ng kaganapang ito. Una, ipinakita kung gaano kamakapangyarihan si Sara, partikular sa AFP at siya lang ang binigyan ng sariling security and protection group. Tandaan na ang nais sana niya ay gawin siyang defense­ secretary, pero iba ang ibinigay sa kanya ni incoming president Bongbong Marcos Jr. Hindi ako magtataka na dahil na rin sa kanyang ama ay malakas si Sara sa PNP at AFP. Pangalawa, hindi ko maintindihan kung bakit sasa­bihin na “kung sakaling maging mahirap ang relasyon sa pagitan ng presidente at bise presidente”. May posibilidad ba ito kahit sila nga ang magkatambal? Ano ang reaksiyon ng kampo naman ni Marcos Jr. sa mga pahayag na ito mula sa kanyang VP?

Hiwalay na grupo raw ang VPSPG sa PSG. Sa social media, napakaraming reaksyon. May posibilidad ba raw na magkatunggali ang PSG at VPSPG na maaaring mauwi sa karahasan? Kaya ba may sariling grupo si Sara? May mga senaryo ba na maaaring maganap kapag opisyal na nakaupo na ang dalawang pinakamataas na halal na opisyal ng bansa? Napakarami pang reaksyon na hindi ko na babanggitin dito at baka dumagdag lang sa sitwasyon. Pero siguradong babantayan ng mamamayan ang magiging kilos nilang dalawa magmula ngayon.

Show comments