Bantayan ang monkeypox  

DAPAT naghihigpit na ang Department of Health (DOH) sa mga turistang papasok sa bansa dahil sa banta ng monkeypox na nagmula umano sa South Africa. Ayon sa report, 90 na ang nahahawahan ng monkeypox. May mga kaso na umano sa European countries, Australia at Unites States.

Sa nangyayaring ito, dapat pumili na si incoming presi­dent Ferdinand Marcos Jr. nang magaling na DOH secre­tary upang hindi malagay sa balag ng alanganin ang mga Pilipino. Huwag lang sana sa press release magaling ang iuupong DOH secretary dahil nakasalalay sa kanya ang kapakanan sa kalusugan ng mamamayan.

Samantala, ngayon ang canvassing para sa Presidente at bise presidente sa Kamara. Nakakasiguro na sina BBM at Sara dahil mahigit sa 31 milyon ang kanilang naku­hang boto. Sana habang naghihintay sila sa pagtatapos ng canvassing sa Biyernes, plantsahin na nila ang mga magiging miyembro ng Cabinet.

Noong nakaraang linggo, kinumpirma na si Atty. Vic Rodriguez na ang magiging Executive Secretary ni BBM. Trusted man ni BBM si Rodriguez mula pa noong mag-file siya ng kanyang kandidatura. Si Rodriguez din ang sumasagot sa mga ipinupukol kay BBM at sa disqualification cases.

Inaabangan na ngayon kung sinu-sino pa ang itatalaga ni BBM sa Cabinet. Sana magluklok si BBM ng agriculture secretary na magpapababa ng presyo ng bigas gaya ng pangako niyang P20 bawat kilo. Sobrang mahal ng mga bilihin ngayon dahil sa walang tigil na oil price hike at ang patuloy na digmaan sa Ukraine dahil sa pananakop ng Russia.

Kaya ang inaasahan ng sambayanan sa Marcos admi­nistration ay ang mababang bigas dahil ito ang staple food ng mga Pinoy. Matutuwa ang lahat kung P20 ang bawat kilo ng bigas.

Show comments