OFW sa Morocco, sarili ang amo

Sa mga financial literacy seminar na ibinibigay ng ilang mga indibidwal at ins-titusyon o ahensiya sa mga overseas Filipino worker sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kabilang sa mga imi-numulat sa mga OFW ang pamumuhunan o pagnenegosyo bilang pandagdag sa kanilang kinikita o bilang alternatibo kapag nagipit sila o nawalan ng trabaho o kapag biglang napauwi sa Pilipinas nang hindi sila handa o wala pang naipupundar.

Sa kaso ng OFW na si Yolanda Romero, isang OFW sa Morocco sa Africa, napatunayan din ang negosyo bilang isang paraan para mabuhay at masustentuhan at mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya sa Pilipinas nang hindi kailangang maging empleyado o mamasukan sa isang opisina, tindahan, pagawaan, maging domestic helper  at iba pa. 

Sa kuwento ni Yolanda sa Philippine News Agency ng pamahalaang Pilipino, 17  taon siyang naging manikurista sa Pilipinas bago siya dumayo sa Morocco. 

Isa nang single mother si Yolanda nang iwanan niya ang dalawa niyang anak sa Pilipinas. Nag-aaral pa ang mga ito sa hayskul nang iwanan niya pero ipinagmamalaki niya ngayon na kapwa na nakagradweyt sa kolehiyo ang mga ito.

Nang lumipad si Yolanda patungo sa Morocco, nagsimula siyang magtrabaho bilang manikurista sa isang salon sa Rabat na kabisera ng natu-rang bansa.  Kinalaunan ay lumipat siya sa lungsod ng Tangier sa Morocco.

Hindi naging madali ang pakikipagsapalaran niya sa ibang bansa. Inaamin niya na marami siyang dinaanang hamon  sa mga unang taon ng pagtatrabaho niya sa Morocco.   

 “Isipin mo iniwan ko ang mga anak ko, nangutang ako sa agency para sa PHP50,000 kasi wala akong perang pambayad. Sa pitong buwan nagbabayad ako niyan, ang suweldo ko diretso sa agency. After that, two months pa lang nakakasahod, nanay ko namatay,” sabi niya sa PNA.

Gayunman, naibahagi ni Yolanda na ini-lagay siya sa alanganin ng kanyang dating amo sa Morocco nang matuklasan niya na hindi naproseso ang kanyang social security fund pagkaraan ng 10 taon na pagtatrabaho sa kanila. “Hindi ako binigyan ng papel, nagtiwala lang ako noon at kumpyansa sa amo. Noong dumating ‘yong pandemic doon ko nalaman na wala pala akong CNSS (Caisse Nationale de Sécurité Sociale) o ‘yong insurance nila,” wika niya.

Kinalaunan, naglakas ng loob si Yolanda na magbitiw sa kanyang trabaho. Ipinasya niyang magnegosyo. Tila hindi na niya tinangkang maghanap ng ibang trabaho batay sa kanyang salaysay.  Nagbukas siya ng isang maliit na salon sa inuupahan niyang bahay. Marami sa mga dati niyang kli-yente sa naunang salon na pinagtrabahuhan niya ang tumangkilik sa sarili niyang salon.  Ang kinikita niya sa kanyang salon ay tatlong ulit na mas malaki kumpara sa sinasahod niya sa pinagtrabahuhan niyang salon noon. Ang sarili na niya ang kanyang amo. 

“Ang kinikita ko noon sa salon maliit kumpara sa ipinangako sa akin noong una kong pasok. Ngayon, salamat naman at ang kinikita ko sa small business ko, triple pa sa suweldo ko ngayon,” sabi pa ni Yolanda.

“Mayroon na rin akong business ID. Direkta ‘yong mga kli-yente ko, kaya marami rin akong natutulungan kasi marami na talaga akong kilalang Moroccan.”

Nabanggit ni Yolanda ang mga hirap na dinaanan niya noong namamasukan pa siya: “Ngayon naawa ako sa mga taga-salon kasi naaalala ko ‘yong buhay ko dati sa kanila. Ako noon kahit may sakit ‘pag tinawagan ako walang excuse, may client ka, gagawa ka pa rin kahit nahihilo ka o inaapoy ka ng lagnat– lahat ‘yon pinagdaanan ko.”

Sinabi ni Yolanda na pinalampas lang niya noon ang hindi magandang pagtrato sa kanya dahil hindi pa niya batid ang kanyang mga karapatan. Minsang humingi siya ng umento pero, ang sagot ng kanyang boss, wala siya sa sarili niyang bansa.

“For how many years nagtiis ako nang ganoon kasi hindi ko alam ang Morocco, wala pang embassy noon para mahingan ng tulong,” pagbabahagi niya.

Nagpapasalamat naman at optimistiko si Yolanda na magiging madali na ang pagtulong sa may 4,000 Pilipino sa Morocco mula nang muling buksan ang Philippine Embassy sa Rabat.

“Talagang kawawa ang mga Pilipino noon kaya salamat nalang at nagkaroon na ng embassy rito, may malalapitan na kami,  hindi na kawawa,” sambit niya.

Wala pang balak si Yolanda na huminto at bumalik sa Pilipinas dahil meron pa siyang malaking pangarap para sa kanyang pamil-ya lalo na sa kanyang mga anak.

“Noong nasa Pilipinas, 17 years akong manikurista, mahirap kumbaga dino-doble ko na ‘yong kayod ko halos gawin ko nang araw ‘yong gabi pero ang kita hindi pa rin sapat. Thank God, ngayon nakatapos na ‘yong dalawang anak ko,” sabi pa niya.

Nabatid na may ipinapatayo siyang bahay sa Pilipinas para sa kanyang mga anak.

“Hanggang ngayon magsisikap pa rin, para sa kanila.

‘Yong bahay na pinapagawa ko kasi hindi ko naman masasabi kung hanggang kailan ako mabubuhay at least may maiiwan ako sa kanila.

Basta lahat ng pagsisikap ko para sa mga anak ko,” pagtatapos ni Yolanda.

 

Show comments