Laban 2022

Naging maganda ang umpisa ng taon sa larangan ng palakasan. Siyempre, sa bansang nawili na may kampeon sa boksing, ang tagumpay ni Mark Magsayo sa WBC ­featherweight ay pinagpistahan. Halimaw kung tutuusin ang tinalo niyang champion na si Gary Russell ng USA. Nakailan na rin itong sunud-sunod na depensa sa titulo. Pero hindi ito umubra sa lakas ng Pinoy.

Kasunod din nito ang matagumpay na kampanya ng ating ipinagmamalaking world class golfer na si Yuka Saso na laking San Ildefonso, Bulacan. Ang dalaga na naging US women’s open champion nitong 2021 ay muling bumulusok sa unang dalawang torneo sa Amerika. Pumang-anim at pumangatlo si Yuka. Maliban sa milyun-milyong premyong napanalunan, tiyak na lalo pang tataas ang world ranking ni Yuka mula sa kasalukuyang No. 9 paakyat sa 6 o 7.

Sa tennis, si Leylah Fernandez at Lizette Cabrera, mga Pinay na lumaki sa ibang bansa, ay patuloy na pumupuwesto sa mga mataas na kompetisyon. Sa Australian Open pa nga ay nagkatagpo ang dalawa sa doubles. Ang homegrown na si Alexandra Eala ay patuloy ang pag-improve at tumaas ang world junior ranking.

Subalit sa ngayon, ang pinaka-pinag-uusapan ng lipunan ay ang pag-qualify ng ating Philippine National Womens Football team sa Women’s World Cup. Ito lang naman ang pinakamalaki at pinakaprestihiyosong international competition ng mga bansa sa football. Ang ating Men’s team na sumikat bilang mga Azkals ay marami pang kakainin bago mapabilang sa mga may husay nang makipagsapalaran sa mga bigating koponan ng mundo. Naunahan pa sila ng Women’s team na ang nickname ay Malditas.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na masungkit ng bansa ang karangalan. Dahilan ito upang lalong sumigla at mabuhayan ang ating sports community na ang Pilipino ay kayang makipagsabayan sa pinakamagagaling sa mundo. At hindi lang Pinoy kundi pati rin mga Pinay ang ating ipinagmamalaki.

Show comments