EDITORYAL - Fuel subsidy sa jeepney drivers, ipagkaloob na

Kahapon, tumaas na naman ang presyo ng gasolina. At sa susunod na linggo, mayroon na naman umanong pagtataas. Sampung sunud-sunod na linggo nang nagtataas ng petroleum products at wala marahil makakapigil. Maski ang Department of Energy ay wala nang kakayahan o naging inutil na.

Sa nangyayaring walang tigil na pagtaas ng gasoline at diesel, nararapat nang ipagkaloob ng pamahalaan ang fuel subsidy para sa mga driver ng pampublikong sasakyan. Hindi na dapat pang patagalin ang pagkakaloob ng subsidy sapagkat lubhang kawawa naman ang PUV drivers partikular ang mga drayber ng jeepney. Wala nang naiuuwi sa pamilya ang mga driver. Hindi pa sila natatagalan sa pamamasada dahil sa lockdown, ang pagtaas ng gasolina at diesel ang rumagasa. Bilang na bilang din ang kanilang pasahero dahil sa pagsunod sa health protocol kaya kakapiranggot ang kanilang kita sa maghapon.

Ayon kay Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Martin Delgra, nasa P1 bilyong fuel subsidy ang ipagkakaloob sa mga lehitimong franchise holders at draybers ng public utility vehicles (PUVs).  Ipagkakaloob umano ito sa pamamagitan ng Pantawid Pasada na unang na-implement noong 2018. Ipamamahagi umano ang subsidy gamit ang cash cards. Ganunman, hindi masabi ni Delgra kung kailan ang eksaktong petsa ipamamahagi ang subsidy pero inihahanda na umano ito ng kanyang tanggapan.

Maraming jeepney drivers ang natuwa at meron din namang hindi. Mas maraming nagsabi na dapat suspendihin na lamang ng pamahalaan ang pagpapataw ng tax sa petroleum products. Hanggang saan daw tatagal ang subsidy sa may 178,000 jeepney drivers. Kung suspendido ang buwis sa petroleum products mas malaki ang mapapakinabang ng mga drayber.

Magpapatuloy pa ang pagtaas ng petroleum ­products kaya may katwirang suspendihin ang excise tax. Nakasaad naman sa TRain law na kapag naging $80 ang bawat bariles ng langis, puwedeng suspendihin ang pagpapataw ng buwis.

Kung fuel subsidy ang inaakalang sagot sa ­problema, dapat ipagkaloob na ito sa mga drayber at huwag nang idaan pa sa operators. Nagbabala naman si FEJODAP President Ricardo Rebaño na dapat idirekta ang subsidy sa mga drayber sapagkat ang mga ito ang bumibili ng diesel.

Hindi na dapat magpatumpik-tumpik ang LTFRB sa pagkakaloob ng subsidiya sa mga driver. Ipamahagi nang direkta sa kanila para makaahon sa pagkalugmok.

Show comments