Transport subsidy ilarga na

SA sunud-sunod na pagtataas sa presyo ng mga pro­duk­tong petrolyo, kaawaawa ang industriya ng transpor­tas­yon kung hindi pahihintulutang makapagtaas ng singil sa pasahe.

Sa kasalukuyan, humihirit ng tatlong pisong fare increase ang mga jeepney sa LTFRB na hindi naman ma­aksyunan dahil malubha itong makaaapekto sa taumbayan na siguradong hihirit din ng dagdag na suweldo sa mga employer.

Kaya ang option na kinukonsidera ng pamahalaan ay bigyan ang transport sector ng subsidiya upang mapunan ang kabawasan sa kanilang kinikita sanhi ng patuloy na pagtaas sa halaga ng krudong langis sa pandaigdig na merkado.

Ang nakikita ko lang na problema rito ay kung magtutuluy-tuloy din ang pagsipa sa presyo ng petrolyo, saan kukuha ng pondo ang gobyerno para sa subsidiya?

Maganda ang sistema ng yumaong President Marcos noong araw para mapanatiling abot-kaya ang presyo ng petrolyo. May umiiral na Oil Price Stabilization Fund noon na kinakaltas bilang buwis kapag mababa ang presyo ng petrolyo. 

Kapag gumalaw paitaas ang presyo ng imported crude oil, kukuha sa pondo ng OPSF upang mapanatiling ma­baba ang presyo ng gasoline at diesel. Ang kaso, binuwag ang pondong ito noong panahon ni Cory Aquino. Baka naman puwedeng pag-isipang ma­ibalik ito?

Show comments