Quezon Province Medical Center sisiyasatin ng DOH

Salamat sa pag-aksyon ng Department of Health sa Calabarzon sa naibunyag ko sa kolum na ito na nagtam­bak na bangkay ng COVID victims Sa Quezon Medical Center (Lucena) na nakatiwangwang lang sa pasilyo ng naturang ospital. Napanood na sa telecast ng ABS-CBN ang mga bangkay na isinilid lamang sa mga bodybags at hindi na kanaisnais ang amoy. Kung hindi dahil sa isang insider na nagmamalasakit, ‘di sana mabubunyag ito.

Ayon kay DOH-Calabarzon director Eduardo Janairo sa panayam ng ABS-CBN sinisiyasat na ng DOH ang kasong ito. Sana po maaksyunan na agad iyan dahil nabi­bingit sa panganib ang ibang naka-confine sa paga­mutan pati na ng mga medical staff. Ayon sa kautusan ang DILG at DOH na ang mga namatay sa COVID ay kailangang madisposed sa loob lamang ng 12 oras.

Sinabi ni Dir. Janairo na ang gusto ng mga kaanak ng namamatay na ma-cremate ang mga bangkay pero dahil sa kakulangan ng crematorium ay sinelyuhan na lang sa bodybags ang mga ito.

Ang Quezon Medical Center ang panlalawigang ospital ng Quezon na nasa ilalim ng pamahalaang panlalawigan na pinamumunuan ni Gov. Danilo Suarez. Sa panayam, naghugas ng kanyang kamay ang hepe ng pagamutan na si Dr. Padre at itinuro ang DILG at mga lokal government units bilang responsable sa mga bangkay.

Inamin naman ni Gov. Suarez ang pagdagsa ng mga patay sa ospital. Ngunit para sa maraming nakasaksi, ito ay pagpapatunay na ang pamahalaang panlalawigan ay hindi nakahanda sa patuloy na pagkalat ng sakit at pag­lobo ng bilang ng mga namamatay araw-araw. Maituturing anila na isang malaking kahihiyan at dagok sa pangasiwaan ng ospital, lalo na sa lokal na pamahalaan ng probinsya ng Quezon ang kapabayaan na ito.

Show comments