Kontra-pelo kay Duterte, Comelec kinontrata muli ang Smartmatic

Kinontrata muli ng Comelec ang kontrobersiyal na Smartmatic Inc. para sa Halalan 2022. Ito’y bagama’t malimit ipinayo ni President Duterte na palitan ang kompanyang Venezuelan sa rami ng ulat ng katiwalian.

Dalawang kontrata na – kabuuang P1.04 bilyon – ang ibinalato ng Comelec sa Smartmatic para sa pambansa at lokal na botohan:

l P637.4 milyon nu’ng Disyembre 2020 para i-refurbish ang 97,345 vote-counting machines (VCMs), at supply ng 109,745 SD (secure digital) main cards, kasing daming bilang ng SD backup cards, at 250,000 cleaning sheets; at

l P402.7 milyon nu’ng Mayo 2021, para sa software ng election management system, VCMs, at consolidation-canvassing system.

Kokontrata pa ang Comelec ng bilyun-bilyong piso para sa vote transmission equipment at accessories, at sa election quick-count at service centers sa araw ng halalan.

Smartmatic ang dating kumontrata ng mga naturang supply at serbisyo. May hiwalay na kinokontrata ang Co­melec para ibodega ang 97,345 VCMs, halos kalahating bilyong piso kada taon.

Smartmatic lang ang nakakakuha ng malalaking hard­ware, software at services deals sa Comelec nu’ng Halalan 2010, 2013, 2016, at 2019. Ibinasura ng Comelec lahat ng demanda ng ibang kompanya ng umano’y panda­raya sa bidding. Binale-wala lahat ng pag-aaral ng information-technology experts ng electronic dagdag-bawas ng boto.

Bagama’t nanalo si Duterte nung 2016 sa sistema at VCMs ng Smartmatic, ilang beses niyang binanggit na bumago sa ibang kontratista at paraan ng automated election systems. Anim sa pitong Comelec commissioners ay appointees niya. Pero sa Mayo 2022 hocus-PCOS (precinct count optical scanners) pa rin; binago lang ang tawag: VCMs.

 

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments