The future is here

PAGDATING sa palakasan, hindi inaasahan na makipagsabayan ang mga kabataan sa kanilang mga naka­tatanda sa tagisan ng galing at talino. Kung kaya hiwalay ng kategorya ang bata sa mga nasa edad. Maski ang mga senior ay may sariling grouping. Kung ang kabataan ay kinikilalang hindi pa buo ang development ng kanilang pangangatawan, ang mga senior naman ay tanggap na lumipas na ang panahon na sila’y nasa tuktok ng kalusugan. 

Kung kaya’t ikinagugulat ng mundo kapag may lumu­lutang na batang-bata na nilalampaso ang kanilang mga nakatatanda o di kaya ang mga gurang na kina­kaya pang makipagsabayan sa mga pinakamaliliksi at mati­puno.  

Sa larangan ng golf, ang ating natatanging women’s golf superstar na si Yuka Saso ng San Ildefonso, Bulacan ay 19 years old lang nang napanalunan ang pinakama­yaman, makasaysayan at tanyag na women’s professional golf tournament sa mundo – ang US Open noong Hunyo 2021. Ito namang Setyembre, sa Tennis, isang 18 years old na dugong Pinoy ang nangunguna sa pinakama­laking tournament para sa kababaihan – ang US Open din. Siya’y si Leyla Annie Exevea Fernandez. Kumaka­tawan sa Canada, si Fernandez ay anak ng amang Ecua­dorian at ng inang Pilipina.  

Dalawa lamang sila sa pabata nang pabatang kilusan ng mga manlalaro na hinahamon ang panahon, ang kapalaran at ang mga higante ng kanilang sport. At sila’y wagi. Si Saso ay tinalo ang lahat ng top ranked players sa mundo. Si Fernandez ang dumurog kina Naomi Osaka at Anglique Kerber na kapwa dating world No. 1. 

Ang sabi ng kanta, I believe the children are our future. Sa women’s sports, malinaw na ang bukas ay narito na.   

Sa mga nakaalala sa unang anibersaryo kahapon ng aking yumaong ina, si Ma. Azucena “Marichu” Vera-Perez Maceda, maraming salamat. Sa tulong ng inyong mga dasal ay higit na nabibiyayaan ang kanyang kaluluwa sa langit. At sa inyong pag-gunita sa kanyang mga iniwang alaala, nananatiling buhay at sariwa ang mga ipinamana niyang aral at halimbawa.  

Show comments