50,000 sari-sari stores sasaklolohan

Maliit mang negosyong maituturing, ang mga sari-sari stores ay importante sa ekonomiya. Sa harap ng pandemya­, ito ang dapat ayudahan para tuluy-tuloy ang serbisyo sa mga maliliit na komunidad. Hindi na kaila­ngang­ bumiyahe nang malayo ang mga ibig mag-grocery.

Malaking tulong ang konseptong isinusulong ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano. Pinalawak niya ang programang pagtulong sa mga napilayan ang kabuhayan­ dahil­ sa pandemyang COVID-19. Bukod sa halos 6,000 na benepis­yaryo na nakatanggap ng Sampung Libong Pag-asa o 10K Ayuda, inilunsad na rin ang pagtulong sa mga sari-sari stores sa buong bansa.

Nang manalasa sa buong mundo ang pandemya, mara­ming maliliit na tindahan ang nagsara. Nawalan kasi ng puhunan. ‘Yung iba, pilit pa ring nagnegosyo pero halos wala nang maitinda dahil doon na rin mismo kinu­kuha ng pamilya ang kanilang pagkain at gastusin sa araw-araw.

Napakagandang ideya nitong ayuda sa sari-sari store community upang mabigyan ng P3,500 ang mapipiling sari-sari store. Ang P2,500 ay para pandagdag-puhunan o pambili ng mga karagdagang paninda para muling ma­kaahon ang mga naluging tindahan.

Ang nalalabing P1,000 naman ay puwede ng gamitin sa kahit na anumang gastusin ng sari-sari store owner­. Bukod sa P3,500, may ibibigay ding training para sa mga sari-sari store owner upang masiguro na hindi malu­lugi ang kanilang negosyo.

Target ng programa na mabigyan ng pondo ang 50,000 o mas marami pang sari-sari stores sa buong bansa. Tuluy-tuloy pa rin ang pamimigay ng Sampung Libong Pag-asa o 10K Ayuda ng grupong Balik sa Tamang Serbisyo. Magkakaroon pa nga ito ng edisyon para sa mga kapatid nating Muslim matapos ang ginawang edisyon para sa OFW’s kamakailan.

Show comments