EDITORYAL - Mga pulitiko, umeepal na sa vaccination sites

Apat na buwan na lang at magpa-file na ng kandidatura ang mga tatakbo para sa 2022 elections. Pagkatapos ay kampanyahan nang umaatikabo. Kung anu-anong gimik ang gagawin ng mga kandidato para makaakit ng botante. Ngayong may pandemya, tiyak na maraming pagbabago sa pangangampanya. Maraming ibabawal ang mga awtoridad para hindi kumalat ang virus. Tiyak na bawal ang pagtitipon at kung anu-anong programa na dadagsa ang mga tao.

Ngayong abalang-abala ang pamahalaan sa pagbabakuna, nakasilip ng pagkakataon ang mga pulitiko para makaakit ng pansin sa mga tao. Kapansin-pansin ngayon ang mga tarpaulin at posters ng kandidato sa vaccination sites. Halos mapuno na ang pader at dingding ng mga gym at covered court kung saan nakapila ang mga tao para mabakunahan. Nagmimistulang kampanyahan na sa vaccination site at halos magdilim na sa lugar dahil sa dami ng mga nakasabit o nakadikit na posters ng mga tatakbo. Kahit wala pang nakasaad sa poster na tatakbuhang posisyon, maliwanag na nagpapahiwatig na nang papalaot sa 2022 elections.

At dahil tatagal pa ang vaccination program sa bansa, bentahe ito sa mga epal na pulitiko. Mas matagal ang pagbabakuna, malaking pagkakataon para maibandera ng pulitiko ang kanilang pangalan at mukha.

Subalit nagbabala na si National Task-Force against COVID-19 (NTF) Chief Implementer Sec. Carlito Galvez Jr. sa mga pulitiko na huwag samantalahin ang vaccination program para maisulong ang interes. Ayon kay Galvez, walang sinumang indibidwal o grupo ang makakakuha ng kredito sa isinasagawang vaccination program ng pamahalaan. Hindi ito dapat mapulitika sapagkat ang panguna-hing layunin dito ng pamahalaan ay mabakunahan ang mamamayan para maproteksiyunan laban sa COVID-19. Ayon kay Galvez, nakipagpulong na sila sa Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa mga vaccination site na namumutiktik ang posters ng pulitiko at political groups. 
Mabuti at nagbabala na ang NTF sa mga pulitikong umeepal sa vaccination sites. Kailangang malaman ng mga epal na hindi maganda ang kanilang ginagawa. Habang maigting ang ginagawang paglaban ng pamahalaan sa virus, hindi dapat makisawsaw ang mga pulitikong may pansariling interes.

Show comments