Sisiklab ang karahasan sa La Union

Malaki ang posibilidad na sisiklab ang karahasan sa La Union ngayong papalapit na ang 2022 elections. Ito ay kung magsasawalang-kibo ang La Union PNP sa gun-for hire-group na pinamumunuan ng isang dating police colonel.

Well-funded ang grupong ito na may safehouses sa apat na bayan sa La Union at may mga sasakyan na gina­gamit sa kanilang aktibidad. Mga dating militar at pulis ang miyembro ng grupo na pinamumunuan umano ni Winston­ Magpali.

Apat na miyembro ng grupo ang nahuli ng La Union police­ matapos patayin si Cristito Morate, 49, farm caretaker sa bayan ng Bacnotan noong Hunyo 23, 2021. Ang mga naaresto ay sina Alan Alegria alyas Major Allan Rashid Ortega, isang enlisted Philippine Marines; Rogie Ege, dismissed PNP-SAF na security guard ngayon sa isang resort sa San Fernando City; Jomar Magpali, kapatid ni Winston Magpali; at Police Master Sgt. Adonis Bayan. Ang lider ng grupo na si Winston Magpali ay hindi naman naaresto.

Ang matindi rito, agad nakapagpiyansa ang apat. Kaya malakas ang kutob ng mga awtoridad na bigatin ang grupo dahil sa suportang ibinibigay ng kanilang “amo”.

Noong Mayo 12, 2018, pinatay si dating La Union second­ district Rep. Franny Eriguel. Noong Okt. 1, 2018, pinatay si Sudipen, La Union Mayor Alexander Buquing at Nob. 14, 2018, pinatay si Balaoan, La Union Vice Mayor Alfred Concepcion. Ayon sa mga awtoridad, ang grupo ni Magpali ang hinihinalang nasa likod ng mga nasabing pagpatay.

Sana, hindi mapako ang pangako ng La Union PNP na huhulihin si Magpali at iba pang miyembro ng kanyang grupo kaugnay sa pagpatay sa caretaker na si Morate. Magpatuloy sana sila kasama ang buong Ilocos region police para mawakasan ang karahasan sa La Union. Maraming naniniwala na naghahanda na ang grupo ni Magpali sa “high-profile targets” na nais ipatumba ng kanilang “amo’’. Pawiin ng PNP ang pangamba ng mga taga-La-Union.

Masakote rin sana ng PNP kung sino ang “amo” ng Magpali gun-for-hire group at nang mapanagot sa mga karumal-dumal na pagpatay sa La Union.

* * *

Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com

Show comments