China perhuwisyo sa 26 na kapitbansa

Labing-isang higanteng dams ang sumasakal sa Mekong River sa China. Kaya humina na ang agos nito sa mainland Southeast Asia. Simula 2019 natutuyot ang mga sakahan at palaisdaan sa gilid ng ilog sa Myanmar, Laos, Thailand, Cambodia, at Vietnam. Bagsak ang ani ng palay at export ng bigas. Apektado pati Pilipinas na uma­angkat ng bigas mula sa kanila.

Walang pakialam ang naghaharing Chinese Communist Party. Magtatayo sila ng walo pang dams. Kanila raw ang ilog. Galing ito sa mga lawa sa bundok ng “probinsiyang” Tibet. Kabulaanan ‘yon. Malayang kingdom ang Tibet; sinakop lang ng CCP nu’ng 1950. Pati katabing Nepal kingdom nabulabog ang border. Sinasakal ng iba pang dams ang daloy ng ilog patungong India, Bhutan, at Pakistan. Inaagawan pa ng China ng teritoryo ang India at Bhutan.

Umaangkin din ang China ng mga lupain sa Mongolia at Russia. Inaalipin ang mga Muslim na Uighur sa Xin­jiang, mula sa mga karatig-bansang Pakistan, Afghanistan, Kazakhstan, Tajikistan at Kyrgyzstan.

Isla at dagat ang inaagaw ng CCP sa Japan sa hilaga. Gayundin sa Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei, at Indo­nesia sa timog. Hanggang sa Palau sa west Pacific nag­na­nakaw ng isda, suportado ng People’s Liberation Army-Navy at ng China Coast Guard sa ilalim ng CCP.

Pinananatili ng Beijing na hati ang North at South Korea. Tinututa ang mga komunista sa North para had­langan ang pakikiisa sa South, na suportado ng America at Europe.

Binabalak ng CCP na bawiin ang probinsiyang Taiwan. Naging independent ang Taiwan nu’ng 1949. Balak ng CCP gayahin doon ang pagyurak sa demokrasya sa Hong Kong nu’ng 2020.

Pati Australia ginugulo ng CCP. Pinalalayas ng PLA ang naval exercises ng Australia sa malayang South China Sea.

Nais ng CCP maging pinaka-malakas na puwersang militar at ekonomiya sa mundo – sa pambubusabos ng mga kapitbansa.

Show comments