Mag-isip nang husto bago mag-post online

Pakay ng pormal na edukasyon ang kritikal na pag-iisip. Hindi ito ang pagiging mapagpintas o mapanghusga. Ang kritikal na pag-iisip ay ang pagsusuri sa isang bagay o usapin upang makabuo ng pasya.

Unang itinuturo sa mababang paaralan ang pagme­morya: sa sariling pangalan at tirahan, at ng guro at esku­welahan, kasunod ang addition at multiplication tables. Tinuturuan din ang bata na magsulat at bumigkas. Tapos unti-unti siyang sinasanay sa malalim na pag-iisip. Bakit, halimbawa, 6 na taon gulang siya dati pero ngayon, pag­lipas ng 12 buwan, ay edad-7 na siya. Pabigat nang pabigat ang ipinadaraan sa kritikal na pag-iisip ng bata. Bakit may araw at gabi, paano tumutubo ang halaman, ano ang nagbunsod sa Himagsikan ng 1896? Sa lahat ng aralin kailangan ang kritikal na pag-iisip: Mathematics, Science, Reading Comprehension, maski music, physical education at sports.

Apat na dekada nang libre ang grade at high school sa Pilipinas, at noong 2017, pati kolehiyo. Wala nang illite­rate, maski sa liblib na gubat o isla. Inaasahan na lahat ng bata ay sinanay sa kritikal na pag-iisip.

Pero basahin ang mga posts sa social media. Maru­nong silang magsulat – pero may mga hindi kritikal mag-isip. May nagmumura sa mga nagpapahayag lang ng saloobin; parang sinasabi ng nag-post na wala rin siyang karapatang magsalita. May nagsasabing patayin ang mga walang face mask; pahiwatig ng nag-post na patayin na rin siya sa kahit anong munting pagkukulang. Malimit ang mga post na kesyo wala nang pag-asa ang Pilipinas; ang sarap tanungin sa kanila kung bakit nandito pa sila sa bansa.

Bago mag-post pairalin ang kritikal na pag-iisip. Ma­aring hindi na mabura ang ipinaskel. Habambuhay na ito sa Internet. Matanda o patay na ang padalus-dalos na nag-post, mahahalungkat ng iba ang obra.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments