Ginahasa ng kapitbahay (Unang bahagi)

MAG-ASAWA sina Clara ay Ray. Mayroon silang dalawang­ anak na edad pito at siyam na taong gulang. Nakatira sila sa isang bahay na may tindahan at iisang silid-tulugan. Kasa­mang natutulog ni Clara sa kuwarto na katabi rin ng kusina ang kaniyang dalawang anak pati pamangkin na trese-anyos na si Jayson, na anak naman ni Nessy na kapatid na babae ng kanyang asawa.

Isa sa mga kapitbahay nila ay si Matt na ipinakilala pa mismo kay Clara ni Nessy. Ninakawan na dati ni Matt ang tindahan ng mag-asawang Clara at Ray nang kunin nito ang P800 na benta, 22 bote ng alak, ilang bote ng gin at mga sabon na pampaligo. Sinunggaban niya si Clara gamit ang kutsilyo sa kusina kaya siya kinasuhan para sa krimen ng pagnanakaw o robbery with physical injuries.

Isang buwan matapos ang pagnanakaw, habang wala ang kanyang mister na si Ray, nagising sa kalabog ng na­basag na bagay si Clara bandang alas dos ng madaling araw. Kumuha siya ng flashlight at nagtungo sa kusina. Agad siyang sinunggaban sa kanang kamay ni Matt at sinundot ng matulis na bagay sa tagiliran sabay sinabihan na huwag sisigaw kung hindi ay papatayin siya. Hinatak siya sa sahig ni Matt, kinuha ang flashlight at sinabihan na bawiin ang kasong isinampa niya.

Nang hindi pumayag si Clara, nagpambuno silang dalawa hanggang mapahiga sa sahig na lupa ang babae. Sa kabila ng kanyang paglaban ay nagawa siyang hubaran ni Matt. Nagpumiglas siya hanggang undayan ni Matt ng saksak sa tiyan ng dalawang beses. Itinaas ni Matt ang dalawang kamay niya at saka dinaganan. Hinubaran siya ng panty at walang awang pinagsamantalahan.

Nakalugmok sa sahig si Clara nang marinig ang tawag ng anak. Pinilit siyang paakyatin sa kuwarto ni Matt. Sa kuwarto ay nakuha ni Clara na sumigaw para humingi ng saklolo. Narinig siya ng bilas na si Rommel. Agad na tumakbo palabas ng bahay si Matt at doon lumusot sa kusina. Matapos ang tatlong araw ay inaresto ng mga pulis si Matt. Nagsampa ng kasong rape si Clara. Nang makatapos ang paunang imbestigasyon, isang information para sa kasong rape gamit ang ikinaso kay Matt na agad nakulong. Dinala naman ni Ray si Clara sa ospital  kung saan siya sinuri ng doktor at nakunan ng semilya pati nakitaan ng mga sugat.

Sa paglilitis, tumestigo si Clara para sa prosekusyon. Sinalaysay niya ang sinapit kay Matt na gumahasa sa kanya. Ang testimonya niya ay pinatunayan din nina Nessy at Jayson na nagpahayag ng kanyang mga nasaksihan sa pangyayari. Tumestigo rin ang medico-legal sa naging pagsusuri kay Clara.

(Itutuloy)

Show comments