Special treatment sa kawani ng gobyerno?

Umaangal ang ilang kilalang pulitiko sa pagluwag ng IATF sa mga kawani ng gobyerno sa COVID-19 tests sa paglabas-pasok sa mga probinsya at bayan bilang bahagi ng kanilang trabaho.

Diumano’y “double standard” ito sa mahigpit na imple­mentasyon ng mga mekanismo kontra sa lalo pang pagdami ng nakakapitan ng virus. Uudyok pa umano ito upang ‘di sumang-ayon ang publiko sa mga ipinapatupad na safety and health standards.

Sa kabilang banda, hindi nga ba pareho lang din?

‘Wag na tayong magbolahan!

Mula nang hinigpitan ng IATF ang restrictions, hindi ba’t labas-pasok pa rin naman ang mga matataas na opisyal sa mga nahigpitang bayan o probinsiya?

Mas mainam nga ngayon na nilahat na ng IATF.  Hindi na lang mga maimpluwensyang kawani at opisyal ang ma­layang labas-pasok sa kung saan sila nanunungkulan o gustong magpunta kahit hindi naaayon sa kanilang opisyal na tungkulin bilang kawani. Ngayon, pantay-pantay na, opis­yal man o regular na kawani ng pamahalaan.

Tama at intindihin natin na hindi pa tiyak kung kailan­ uumpisahan ang vaccination program at gaano ito kala­wak­. Ngunit kailangan ding timbanging mabuti ang kapakanan ng mga mamamayang nangangailangan ng ser­bisyo sa mga ahensiyang pinapasukan ng mga kawani ng pamahalaan.

Halos isang taon nang karamihan sa mga ahensyang nagbibigay ng serbisyo publiko ang nasa “skeleton-ope­ration” na kung saan “skeleton-mode” din ang tinatanggap ng publikong higit na nangangailangan ng serbisyo at pag­kalinga ng pamahalaan.

Mainam na ipaubaya na ang full-scale government ope­rations mula local hanggang national agencies at mahigpit na lamang na ipatupad ang istriktong pagtupad ng mga ito sa health protocols upang maiwasan ang pagdami pa ng kaso ng COVID-19 at variants nito.

Sa pamamaraang ito mapagtatanto ng mamamayan kung gaano ka-mature, ka-competent at ka-decisive ang mga ahensya, lalo na ang pamunuan ng mga ito sa pagsugpo sa COVID-19.

Show comments