Di na mangangamba ang mga taga-Region 1

SINUSUWERTE si Police Director Office 1 (PRO1) B/Gen. Rodolfo Azurin sa mga isinagawang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa Pangasinan, La Union, Ilocos Norte at Ilocos Sur. Na­lambat ang 108 kriminal sa mga naturang lalawigan. Ma­laking tulong ito sa mga taga-Region 1 dahil mababawasan ang kanilang pangamba sa mga kriminal. Pumasa ito sa panlasa ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Debold Sinas dahil inaksyunan ni Azurin ang programa nito na lumpuhin ang mga criminal na nagtatago sa rehiyon. Noong nakaraang taon, napabalita ang walang puknat na patayan na ang dahilan ay away pulitika at pagpatay sa mga isinasangkot sa droga, kabilang na ang pagpatay sa isang mamamahayag.

Ayon kay Azurin ang SACLEO ay pinangangasiwaan ni Col. Cesar Pasiwen ang Deputy Director for Operation ng PRO1 kaya walang hokus-pokus sa trabahong pulis. Sa sigwada ng 15 Anti-Illegal Drugs Operation 13 drug personalities ang nalambat at nakakumpiska ng 8.0032 grams ng shabu at 10.09 grams ng marijuana na may kabu­uang halaga na P55,632.56. Nadakip nina Pasiwen ang dalawang most wanted persons at 22 katao na may iba’t ibang kaso sa korte. Ang operasyon ay naka­samsam ng 106 na iba’t ibang uri ng baril.

Hindi lamang iyan, pinaigting din ni Azurin ang pagbuwag sa gambling activities sa rehiyon kaya 42 katao ang nalambat at sinampahan na ng kaso at naipresenta ang P8,084.00 na bet money. Ayon kay Azurin “We are just on our second day, we will be more stringent on the days to come. We will ensure that all criminals will be ap­prehended and that peace and order will be felt in the whole region,” hayan mga kababayan ko riyan sa PRO1 may kakampi na kayo sa katauhan ni Azurin dahil ang matagal na ninyong minimithing katahimikan ay tinutugon na ngayon.

Sa totoo lang, mula Enero 1 to 28 lamang at nagsagawa na ng 138 Anti-Illegal Drugs Operation si Azurin at nakaaresto ng144 ka-tao at nakasamsam ng 180.6064 gramo ng shabu at 9,189.7126 gramo ng marijuana na tinatayang ang halaga ay P2,330,889.032. At sa kampanya naman ng loose firearms sa isinagawang operasyon, 19 ang nakumpiska, 54 ang isinuko at 61 naman ang ideniposito for safe keeping habang inaayos pa ang mga dokumento nito. Ayon pa kay Azurin “We will continue to do our jobs religiously. This is quite an achievement but we still have a long way to go, so we will not stop. You could expect us to be more ruthless in our future operations”.

Show comments