Abra vegetables, umaarangkada na!

Sa gitna ng pandemya, sumilang ang malaking oportunidad sa Abra sa liderato ni Gov. Ma. Jocelyn “Joy’’ Bernos para harapin ang sariling agrikultura.

At nag-uumpisa nang mamunga ang kanilang sini­mulang hakbang, Ayon kay Governor Joy, nakapag-produce na sila ng 385 kilong repolyo, 181 kilong sayote simula noong Nobyembre hanggang unang linggo ng Enero.

Ang mga gulay ay itinanim ng 35 farmer-beneficiaries ng Upland Vegetable Production and Marketing Project na inumpisahan lamang noong Hulyo ng nakaraang taon sa Nagpaoaya, Subagan, bayan ng Licuan-Baay ng Office of the Provincial Agriculturist.

Sa katotohanan, ani Governor Joy na napapamahal na sa agrikultura at avid “plantita” din, 15,000 kilos ng repolyo, 1,000 kilos ng snap beans at 600 kilos ng sayote ang na-produce ng farmer-beneficiaries mula noong Oktubre.

Hanggang Lagangilang at Bangued public market pa lamang ang nararating ng mga produktong gulay. Ngunit pasasaan pa’t darating din ang Abra vegetables sa iba pang merkado?

Naumpisahan ang napakagandang proyektong pang-agrikulturang ito sa isang ektaryang taniman ng sayote, dalawang ektarya ng repolyo at isa’t kalahating ektarya ng snap beans.

Sa tagumpay na ito, maaring magaya pa sa iba’t ibang bayan ng Abra, lalung-lalo na sa mga matataas na lokasyon.

At ano ang nag-udyok nito? Walang iba kundi ang pandemya kung saan nag-lockdown at nagkaroon nang paghihigpit sa pagpasok ng mga produkto lalo na ang pagkain sa lalawigan.

Dahil dito, naisip ng provincial government sa pamumuno ni Governor Joy, na bakit hindi mismong mga Abreño ang magtanim ng kakaining gulay.

At humakbang ang Abra agriculture office sa gabay ng gobernadora. Binigyan ng libreng buto, planting materials, abono at technical training ang farmer-beneficiaries.

Ang mainam pa rito, tinulungan ng provincial government ang mga magsasaka ng gulay ng Licuan-Baay hanggang sa marketing ng produkto.

At mismo ang provincial government pa ang nagdadala ng mga paninda sa merkado sa Abra.

Nagtagumpay na ang Upland Vegetable Production and Marketing Project. Siguradong mabibiyayaan din ang 26 pang bayan ng probinsiya ng kahalintulad na proyekto.

Ano pa kayang gulay ang itatanim ng mga Abreño?

* * *

Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com

Show comments